Bagamat unti-unti nang nagbubukas ang ilang mga negosyo ngayong isinailalim na sa general community quarantine ang Metro Manila at marami pang lugar sa bansa, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hirap magsimulang muli matapos matinding naapektuhan ang kanilang hanap-buhay ng dalawang buwang enhanced community quarantine. Kasama na rito ang mga magsasaka sa Cordillera province na hindi nakapag-benta ng kanilang mga gulay.
Sa kabilang banda, habang patuloy na nilalabanan ng ating mga bayaning frontliner ang pagkalat ng Covid-19, kailangan nila ng sapat na nutrisyon upang patuloy na maalagaan libu-libong Pilipinong tinamaan ng nakamamatay na virus.
Ang mga pamilya namang walang sariling tahanan ay nangangailangan din ng masustansiyang pagkain habang sila ay pansamantalang nakatira sa iba’t ibang temporary shelters na itinalaga ng mga lokal na pamahalaan.
Para tulungan ang mga magsasaka, at tugunan ang pangangailangan ng mga frontliner at evacuees, pinakyaw ng One Meralco Foundation (OMF) ang mahigit limang na toneladang sariwang gulay mula sa Cordillera, at pinamahagi ito sa iba’t ibang ospital at evacuation centers sa mga lugar na saklaw ng serbisyo ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Kabilang sa mga nabiyayaan ng proyektong “From Farmers to the Frontliners (and Marginalized)” ng corporate foundation ng Meralco ay ang Cardinal Santos Medical Center, Las Pinas General Hospital, Pagamutan ng Dasmarinas, Pasay General Hospital, Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine, Taguig Pateros District Hospital, The Medical City, Navotas Hospital, Ospital ng Malabon, Ospital ng Imus at National Kidney & Transplant Institute.
Nakatanggap din ng kilu-kilong sariwang gulay ang mga mahihirap na pamilyang pansamantalang nakatira sa mga temporary shelters sa Maynila, Quezon City, Antipolo at Las Pinas.
Bukod dito, tuloy tuloy rin ang pamimigay ng OMF ng care packages sa mga mahihirap na komunidad, at personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliner sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Sa katunayan, mula nang ipatupad ang ECQ, mahigit 8,000 care packages na ang naipamahagi ng OMF. Samantala, namahagi rin ito ng mahigit 17,000 na surgical gloves, face masks, goggles, face shields at protective suits para sa mga frontliners sa mahigit 30 ospital at local government units.
Nakipagtulungan din ang OMF sa Caritas Manila upang mabigyan ng tig-iisang libong halaga ng ayuda ang mga mahihirap na pamilya. Naglaan ito ng mahigit 1 milyong pisong donasyon ng mga kawani ng Meralco para sa programang ito.
Nag-donate din ng 20 desktop computers ang Meralco sa Philippine Genome Center na nagsisilbing Covid operations center ng iba’t ibang volunteer groups mula University of the Philippines system, at 26 sa SBMA-Philippine Red Cross Molecular Laboratory na tutulong sa pag-proseso ng mga swab sample ng mga hinihinalaang tinamaan ng sakit.
Comments are closed.