(Sarno nagtala ng bagong SEAG records) PH UMAKYAT SA 4TH

HANOI – Dinomina ni reigning Asian champion Vanessa Sarno ang women’s 71kg division ng weightlifting para sa golden win na nag-angat sa Pilipinas sa fourth place kontra Singapore sa  31st Southeast Asian Games dito.

Si Sarno, sa edad na 18 ay itinuturing nang susunod sa mga yapak ni 31-year-old Tokyo Olympic champion Hidilyn Diaz, ay nagtala ng bagong records na 104kg sa snatch, 135kg  sa clean and jerk, at  239kg total sa pagbibigay sa bansa ng ika-4 na gold sa araw na nakatabla ng Pinoy contingent ang Singapore sa gold medal production na may 47.

Gayunman, ang Pilipinas ay may mas maraming silver medals, 65-44, hanggang press time, gayundin ang 87-66 bentahe sa bronze medals, upang umakyat sa fourth.

Lumobo pa ang medalya ng Vietnam sa 173-103-103, habang ang Thailand ay may 75-86-118 sa ikalawang puwesto, kasunod ang Indonesia sa ikatlo (57-77-68).

Tatlong gold medals sa kaagahan ng araw, na nagmula kina Treat Huey at  Ruben Gonzales sa men’s doubles of tennis, at 10-ball singles wins nina Rubilen Amit at reigning US Open champion Carlo Biado, ang nagpainit sa kampanya ng Pilipinas.

“Sobrang saya po, kasi isa po ako sa mga naka-gold for the Philippines sa SEA Games.

Sobrang grabe po ang preparasyon ko, masasabi ko talaga na handa ako, kaya confident ako sa lahat ng buhat ko. Sa laro ko po, hindi ko mina-mind ang kalaban, ‘yung sarili ko lang po ang iniisip ko,” sabi ni Sarno.

“Ilang gabi po akong umiiyak, sobrang dami ko po pinagdaanan.  Maraming beses po akong nag-doubt sa sarili ko na baka hindi ako ‘yung maglalaro sa SEA Games. Pero pagdating dito, sobrang confident na po ako, kasi napakaganda po ng preparation ko,” dagdag ni Sarno, produkto ng Bohol na nagwagi ng dalawang gold medals noong Abril ng nakaraang taon sa Asian Weightlifting Championships Olympic Qualifying Tournament sa Tashkent, Uzbekistan.

Iginiit ni Philippine Sports Commission Chairman William ‘Butch’  Ramirez ang kanyang panawagan sa sports leaders, gayundin sa publiko na tumingin sa  epekto sa pangkalahatan, at sinabing ang pagsabak ng mga Pinoy dito ay bahagi ng paghahanda ng bansa para sa mas malaking kumpetisyon tulad ng Asian Games at  Olympics.

“Let us not make any judgments or criticisms of our athletes who are still competing in Vietnam. Let us not discourage them and continue to support them all the way,” ani Ramirez.

“We will continue to pray for their safety and health, whatever their performance. We are very happy and proud of our athletes and coaches who fought hard for our country and people,” dagdag pa niya.

Ang bansa ay nakasisiguro na rin ng dalawang gold medals sa basketball makaraang gapiin ng Gilas Pilipinas men’s at women’s squads  ang Malaysia, 87-44, at Singapore, 88-61, ayon sa pagkakasunod.