PINANGALANAN ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone ang 15-man pool ng mga beterano na kakatawan sa Filipinas sa 2019 Southeast Asian Games sa Disyembre.
Pinangunahan ng anim na players mula sa Barangay Ginebra ang pool: LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Greg Slaughter, Japeth Aguilar, at Art dela Cruz.
Ibinalik din ni Cone si TNT at Gilas Pilipinas veteran Jayson Castro, kasama sina Roger Pogoy at Troy Rosario – kapwa naglaro para sa Filipinas sa 2019 FIBA Basketball World Cup.
Hinugot din ng champion coach ang San Miguel core nina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Christian Standhardinger, at Chris Ross.
Ang iba pa sa pool ay sina Vic Manuel ng Alaska at Matthew Wright ng Phoenix.
Ipinaliwanag ni Cone na kinonsidera niya sa pagbuo sa 15-man pool ang limitasyon sa preparation time. Aniya, ang pool ay may walo hanggang 14 araw lamang ng ensayo bago ang Dec. 4-11 competition.
“With limited practice, we don’t have a whole lot of time to teach, time to try out and get a lot of the guys in, figure out who’s it gonna be, we don’t have time for that. So we narrowed it down and we try to come with the idea of maybe because of the short window we have, maybe we should go with a team I’m familiar with – Ginebra – get six of its players and reinforce it,” ani Cone.
Makaraang italaga bilang head coach ng Gilas noong Lunes, agad na gumawa si Cone ng 50-man list, pagkatapos ay tin-apyas ito sa 24. Matapos na gumawa ng presentation sa PBA board kahapon, ibinaba pa ito ni Cone sa 15.
Ang Gilas SEAG list ay isusumite sa Philippine Olympic Committee (POC) para ipormalisa ang patisipasyon ng koponan. Bago ang competition proper, pagpapasiyahan na ni Cone ang kanyang Final 12.
Comments are closed.