LEYTE- SUGATAN ang drayber ng isang Alkalde matapos paputukan ng hindi pa nakikilalang armadong suspek ang kanilang sasakyan sa lalawigang ito.
Sa report ng pulisya, nagtamo ng sugat sa gawing likurang bahagi ng katawan ang biktimang si Raanel Batiquin Reubal, 44-anyos, residente ng Barangay Linao San Isidro, Leyte.
Habang himala namang nakaligtas at hindi nasugatan ang kasama nito sa sasakyang na si Carli Emman Pauligue, 44-anyos, nakatira sa Barangay Daja, Dako, San Isidro.
Napag-alaman na ang sasakyan ay pagmamay-ari ng Mayor ng San Isidro, Leyte at naganap ang pamamaril sa Barangay Dapdap, Alangalang, Leyte, kamakalawa.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya , kasalukuyang bumibiyahe ang biktima patungo sa Alangalang Town Proper nang bigla na lamang pagbabarilin ng suspek na lulan ng isang kulay gray na pick-up ang sasakyan ng biktima.
Agad namang tumakas ang mga suspek matapos na magmaniobra ang sasakyan nito papuntang Santa Fe ng nasabing bayan.
Habang ang biktimang si Reubal ay agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang lunas. EVELYN GARCIA