SASAKYANG PANG-DELIVER NG PAGKAIN PINALALAGYAN NG LOGO

UPANG masiguro na sapat ang supply ng pagkain  habang umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon, pinalalagyan ng mga senador ang mga sasakyan na ginagamit sa pag-deliver ng pagkain ng brand logo o pangalan ng kompanya.

Ayon kina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at  Leila de Lima, dapat lagyan ng company logo ang shuttle vehicles na ginagamit ng kanilang mga manggagawa para sa pagpasok at pag-uwi sa kanilang mga planta.

Gayundin ang  vans at delivery truck ng kanilang suppliers, at delivery trucks na ginagamit sa pagsu-supply ng sari-sari stores, groceries ,supermarkets at distributors.

Paliwanag ng mga senador, ang pinakamabisang pangontra sa panic buying sa ganitong mga panahon ay ipakita sa publiko na puno ang lagayan ng mga pagkain sa mga tindahan at grocery stores.

Sa ganitong paraan ay maiiwasan din umano ang posibleng food riots sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano at maayos na implementasyon.

Kapag mayroon din umanong logo ng kompanya ng pagkain, ang mga sasakyan ay hindi na maaabala pa o mapipigilan dumaan sa mga checkpoint na siyang dahilan ng pagka-delay ng supply ng pagkain at hindi agad nade-deliver sa mga destinasyon nito. VICKY CERVALES

Comments are closed.