(Sasalubong sa election week) BIG-TIME OIL PRICE HIKE NA NAMAN

petrolyo

MATAPOS ang rolbak noong nakaraang linggo ay muling magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa Martes, Mayo 10.

Sa pagtaya ng Unioil Petroleum Philippines, ang  presyo ng diesel ay maaaring tumaas ng P3.90 hanggang P4.00 kada litro habang ang presyo ng gasolina ay inaasahang may dagdag na P4.00 hanggang P4.20 kada litro.

Noong nakaraang Martes, Mayo 3, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tinapyasan ng P0.65 habang ang kada litro ng diesel at kerosene ay may bawas na P1.15.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina, diesel at kerosene ay tumaas na sa kabuuang P17.80, P30.30, at P29.30, ayon sa pagkakasunod-sunod.