(Sasalubong sa New Year’s eve) ROLBAK SA PRESYO NG PETROLYO

MAKAAASA ang mga motorista ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bisperas ng Bagong Taon sa Martes, Disyembre 31.

Tinukoy ang pagtaya ng industriya base sa international trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P0.30 hanggang P0.65 kada litro, diesel ng P0.30 hanggang P0.55 kada litro, at kerosene ng P0.80 hanggang P0.90 kada litro.

“This estimated adjustment is triggered by the IEA’s (International Energy Agency) continued expectation of an oversupplied oil market in 2025 even if OPEC+ (Organization of the Petroleum Exporting Countries Plus) holds production steady or continues to delay the unwinding of its voluntary production cuts,” sabi ni Romero.

Ang final adjustments ay nakadepende sa resulta ng trading nitong Biyernes.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Dis. 24, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.50 kada litro, diesel ng P1.45 kada litro, at kerosene ng P0.75 kada litro.

Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P13.05 kada litro at P11.30 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Nagtala naman ang kerosene ng net decrease na P1.80 kada litro.