SASO PSA ATHLETE OF THE YEAR

Yuka Saso

MAGING sa pinakamapanghamong panahon sa kasaysayan ng Philippine sports ay hindi nagpadaig si young golfer Yuka Saso.

Ang 19-anyos na si Saso ay nagbigay ng pag-asa at inspirasyon sa mahigit 100 million Filipinos sa panahong ang local sports ay pinaralisa ng COVID-19 outbreak.

Ang Filipina golfer mula sa San Ildefonso, Bulacan ay hindi huminto sa pagkamit ng tagumpay makaraang maging pro noong 2020 kasunod ng kahanga-hangang amateur career, tampok ang double gold medal sa 2018 Asian Games.

Dalawang sunod na titulo sa mayamang Japan LPGA at matikas na 13th place finish sa US Open sa kanyang unang pagsabak sa isang major LPGA championship ang nagsemento sa rookie season ni Saso na nagbigay sa Philippine sports ng sikad na kina-kailangan nito sa panahon ng pandemya.

Dahil dito, si Saso ay gagawaran ng 2020 Athlete of the Year award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa traditional Awards Night nito sa March 27 saTV5 Media Center.

Pangungunahan ni Saso ang listahan ng mga awardee na pararangalan ng pinakamatandang media organization sa bansa. sa pamumuno ng presidente nito na si Tito S. Talao ng Manila Bulletin sa virtual event na itinataguyod ng San Miguel Corporation at ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ang long-time partner Cignal TV ang muling magko-cover sa awards presentation na suportado rin ng 1-Pacman Partylist at Rain or Shine.

Ito ang ikalawang Athlete of the Year honor ni Saso sa nakalipas na tatlong taon, ngunit unang pagkakataon bilang  individual awardee kung saan una niyang nakasalo sa parangal sina fellow golfers Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go, at weightlifer Hidilyn Diaz sa 2018 edition ng annual event kasunod ng kanilang gold medal romp sa Jakarta Asiad.

Ang golfer na may Japanese descent ay mabilis na gumawa ng ingay nang magpasiya siyang maging pro noong nakaraang taon.

Nagtala siya ng back-to-back triumphs sa Japan LPGA nang madominahan ang NEC Karuizawa Championship at ang Nitori Ladies Golf Tournament.

Bago natapos ang taon, ipinakita niyang kaya niyang makipagsabayan sa pinakamahuhusay sa mundo kasunod ng 13th place finish sa women’s US Open na napagwagian ni South Korea’s Kim A-Lim.

Papasok sa 2021, ang Pinay ay ranked 45th sa mundo at nakalikom ng kabuuang P50 million na premyo sa kanyang rookie season.

Bukod sa Athlete of the Year, ipagkakaloob din ng PSA ang regular awards nito tulad ng Executive of the Year, President’s Award, National Sports Association (NSA) of the Year, at Lifetime Achievement Award.

Kasama rin ang major honorees sa iba’t ibang sports, gayundin ang citations at recognitions sa honor roll list.

2 thoughts on “SASO PSA ATHLETE OF THE YEAR”

Comments are closed.