SATELLITE TECH BILL, OK NA SA KAMARA

joey sarte salceda

PASADO na sa Information and Communication Technology (ICT) committee ng Kamara ang House Bill 70812 na naglalayong pasulungin ang ‘satellite technology’ at ang lalong malawakang gamit nito sa umuusbong na ‘digital economy’ kahit sa mga liblib na sulok ng bansa.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, at may-akda ng panukalang batas, ang satellite-based internet broadband’ bilang isa sa mga plataporma ng madali at higit na malawak na ‘internet connectivity,’ ay mahusay na alternatibo at madaling itatag.

“Mahalaga ang ‘satellite liberalization’ na magiging daan naman para mapabilis ang pag-unlad ng mga rehiyon at lalawigan. Habang malayo umano ang mga pamayanan sa malalaking isla gaya ng Luzon at Mindanao,  kailangan nilang magkaroon ng internet at umunlad, lalo na at ang mga pagkakataong umunlad ay nakabatay na sa makabagong teknolohiya sa komunikasyon.

Pinuna ng mambabatas na ang ‘internet access’ ay parang ‘land reform program’ para sa kasalukuyang henerasyon. “Dahil ang kayamanan ay lalong nakasalalay sa teknolohiya at ang mga kapaki-pakinabang na trabaho ay madaling matagpuan ‘online,’ kailangang tiyakin natin na maging madali ang higit na mura at maasahang teknolohiya para sa  mga Pilipino,” dagdag niya.

Ang ‘satellite-based internet’ ay madaling makapaghatid ng serbisyong internet sa mga hiwa-hiwalay na isla ng bansa, kagaya ng tradisyunal na ‘fiber-based systems,” dugtong niya. Ang ‘internet connectvity’ ay naging sadyang kailangan para makabangon ang bansa mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.

Sa ilalim ng HB 7081, gagawing higit na mabisa ang internet, at lalong malinaw ang mga regulasyon kaugnay nito.

Ang mga sadyang kailangan para makakonekta sa satellite gaya ng pagtatatag ng sentro at ‘network’ ng mga tinatawag na ‘very small aperture terminals’ o VSATs na magagamit para sa madali at mabisang paghahatid ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng ‘cable’ o ‘Wi-Fi,’ ay sadyang akma para sa mga paaralan at community centers sa malalayo at liblib na mga barangay.

Hinihimok din ng HB 7081 ang mga ahensiya ng gobyerno, mga pampamahalaan at pribadong paaralan, mga boluntaryong samahang pangkarunungan, mga ahensiyang pang-kapaligiran at pang-climate change at iba pang nakatuon sa pagtugon sa mga kalamidad, na magkaroon sila ng sariling ‘satellite-based technology systems’ upang higit na maging mabisa ang kanilang mga programa.

May kaugnayan ang HB 7081 sa apat na panukalang batas na akda rin ni Salceda – ang ‘Faster Internet’ (HB 312), ‘Schools of the Future’ (HB 311), ‘Comprehensive Education Reform’ (HB 6247), at ‘Skills-based Education’ (HB 6287).

Comments are closed.