First full album, K-Pop collaboration, concerts, and more
(ni AIMEE GRACE ANOC)
“SOBRANG laki po talaga ng pasasalamat namin sa A’TINs kasi po this is very impossible po. Yes, may talent naman po kami pero ‘yung maging worldwide ka tapos no. 1 sa Philippines po sobrang napaka-imposible po without them po. Sila po ‘yung tumulong sa amin, sila ‘yung nasa likod namin, sila ‘yung nagpu-push sa amin para maging no. 1 worldwide kaya sobrang nagpapasalamat po kami,” pahayag ni Felip Jhon “Ken” Suson, main dancer ng SB19, sa mainit na pagtanggap ng A’TIN sa “Alab” music video na umabot ng kalahating milyong views nang wala pang isang araw sa ginanap na press conference sa Novotel Araneta City noong Enero 10.
Sa ngayon, habang isinusulat ang artikulong ito, nasa mahigit 1.5 million views na ang Alab music video sa YouTube simula nang mailabas ito noong Enero 9, 2020 kung saan patuloy rin ang pag-angat sa iba pang local at international music charts.
SHOWBT 2020 PLAN
Nag-uumpisa pa lamang ang taon ngunit planado na ang 2020 para sa nakapananabik na mga sorpresang inihanda para sa “ATIN” ng ShowBT, isang Korean entertainment company.
Una na rito ang rebranding ng ShowBT—ang “SBTown”, para sa panibagong oportunidad na maipakilala at mapalawak pa ang P-pop.
Mapanonood na rin ang Aja Aja Tayo! Season 3 na kuha mula pa sa Jeju Island, South Korea sa unang quarter ng taon sa Asianovela Channel. Hindi lamang iyan ang dapat nating abangan dahil magiging special guest din sa show ang SB19 na binubuo nina John Paulo “Sejun” Nase, Josh Cullen Santos, Stellvester “Stell” Ajero, Felip Jhon “Ken” Suson, at Justin De Dios, na pangungunahan ng hosts na sina Robi Domingo at Donny Pangilinan.
Dahil sa dami ng mga nangangarap na sumikat sa mundo ng entertainment, patuloy na nakabukas ang pinto ng ShowBT. Nais pa nilang madagdagan ang kanilang 18 trainees mula sa libo-libong nag-awdisyon at magkaroon ng kabuuang 20 trainees ngayong taon. At bago matapos ang 2020 ay inaasahang ipakikilala na ng ShowBT ang kanilang bagong girl group na mula rin sa SBTalent Camp tulad ng sikat na idol boy group ngayon—ang SB19.
FIRST-EVER ALBUM: GET IN THE ZONE!
Kaabang-abang din ang paglalabas ng kauna-unahang full album ng SB19 na “Get in the Zone!” na naglalaman ng apat na emosyon ng tao—kasiyahan, kalungkutan, galit, at kaligayahan. Ang mga kantang ito ay ang “Tilaluha”, “Go Up”, “Alab”, “Hanggang Sa Huli”, “Love Goes”, at “Huwag Mong Ikunot ang Iyong Noo.” Naging posible ang lahat sa pakikipagtulungan ng Sony Music Philippines at inaasahang lalabas ito ngayong Marso o Abril.
FREE NATIONWIDE CONCERTS
Dahil sa nag-uumapaw na suportang kanilang natatanggap sa kanilang isinasagawang 1st nationwide concert, nais ng ShowBT na magsagawa pa ng free encore concert sa bansa. Ilan sa target venue ay ang Philippine Arena, Araneta Coliseum, at Mall of Asia Arena.
Hindi pa riyan natatapos ang lahat dahil asahan na ang 2nd nationwide concerts ng SB19 na maaaring mangyari ngayong Disyembre 2020 hanggang sa unang quarter ng taong 2021 kung saan tulad ng una ay nais nilang gawing libre na magiging posible lamang sa tulong na rin ng kanilang mga sponsor. Inaasahan din ang posibilidad na magkaroon sila ng 5 Cities abroad tours.
SB19 COLLAB WITH OTHER ARTISTS
Sa patuloy na pagsikat ng SB19 hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa iba pang mga bansa, hindi rin nalalayo ang posibilidad na magkaroon sila ng collaboration sa iba pang sikat na idol group sa South Korea. At kung mabibigyan ng oportunidad na magkaroon ng collaboration sa isang sikat ng K-Pop idol group ay nais ng SB19 na ito ay ang BTS dahil simula pa lamang ay iniidolo na nila ito.
Dagdag pa rito, kung mayroon man silang local artist na nais na makasama na makakapagpaalab pa sa kanilang passion bilang performer ito ay sina Sarah Geronimo, Morissette Amon at Gary Valenciano.
THE COLORS BEHIND ALAB MUSIC VIDEO
Naging isang malaking katanungan kung ano nga ba ang kahulugan ng mga kulay na pinili ng bawat miyembro sa music video ng Alab. Kung paanong ipiniprisinta ng mga kulay na kanilang napili ang “love”? Ito ba ay “love” sa kasalungat na kasarian o may iba pang pakahulugan base na rin sa kanilang sari-sariling “zone”?
JOSH
Makikita na pula ang kulay ng “zone” ni Josh sa music video kung saan ay napaliligiran siya ng mga pulang lubid.
“Ako po yung taon na dominant po ang personality ko. I don’t want anything to control me, actually. Pero by falling in love, parang nako-control po ako roon sa music video, na parang naiinis ako kasi I don’t want to be control, sa area na ‘yun which is na parang hindi ako makawala. Being in love controls me.”
KEN
Para kay Ken, itim naman ang kulay na nagre-represent sa kanya. Dito, makikitang nakakulong siya sa isang itim na box.
“’Yung sa akin naman po, it’s a box po. The box represents me—comfort zone po. Kaya as much as possible hindi po ako vocalize sa feelings ko sa mga tao kasi baka po ma-reject ako, baka ma-disappoint lang ako. Ayokong magmukhang mahina sa kanila. But, sa loob ko parang doon ko na-realized na wala pong ibang paraan, na kailangan mong “to get out of that box”, na sirain ‘yung box na ‘yun para ma-express ‘yung feelings mo.”
JUSTIN
Makikita naman ang green background sa “zone” ni Justin. Dahil graduate siya sa kursong multimedia arts kaya ito ang naisip nilang gawing set-up sa “zone” niya.
“’Yung sa akin po with the combination po ng love and ‘yung passion ko, kung ano ‘yung personality ko po. Mayroong din po tayong part na parang “I don’t know what to express” kaya mayroon akong iba’t ibang emotions. Ah! baka kailangan kong maging maangas o maging cool para sa kanya pero at the end na-realized ko na “I just need to be myself”.
STELL
Mapapansin naman sa “zone” ni Stell ang pagkakaroon ng yellow background kung saan ay hindi niya malaman kung saang “way” siya pupunta.
“’Yung sa akin naman po tulad nga po nang sabi ng fans, ako raw po ‘yung nagre-represent ng sunshine. Kung ano po ‘yung nasa loob ko po sinasabi ko po. Yellow po, nagre-represent ng happiness. Makikita niyo po na wala po akong ginawa kung ‘di ang tumakbo. Actually po ang hinahanap ko po roon hindi love, ang hinahanap ko po roon ‘yung sagot kung paano nga ba talaga ‘yung gagawin para tumagal ang love? Ako po kasi ‘yung klase ng tao na ‘pag alam kong may mahal ako ibibigay ko ang lahat.”
SEJUN
Makikita naman sa “zone” ni Sejun ang kulay na violet kung saan ay nakaupo siya at hindi alam kung ano talaga ang isusulat. Passion ni Sejun ang pagsusulat ng kanta kung saan makikita ang husay nito sa kanilang mga kantang “Tilaluha” at “Go Up”.
“Siguro po doon po sa colors puwede po nating sabihing love is about—love for music, love for family, love for passion. So, kayo na po ‘yung bahala kung ano ‘yung love na tinutukoy roon sa istorya po ng music video namin. For me naman po, ‘yung violet personal ko po siyang pinili kasi po sa flame siya po ‘yung pinakamainit sa color.”
Ipinahayag din ng SB19 ang mga pagsubok na kinaharap nila habang ginagawa ang music video kung saan sinabi nila na lumagpas ng isang araw at halos 28 oras silang nag-shoot. Mag-ing sa conceptualizing kung saan tinanong sila isa-isa kung ano nga ba ang gusto nilang manyari, mga suggestion, hanggang sa pinagsama-sama nila ang kanilang mga ideya pati na ng produc-tion team. Hindi rin naiwasan ang pagkakaroon ng misunderstanding kung saan ay nagkakaiba-iba ulit ng ideas na normal naman sa pagbuo ng isang music video.
Sa ngayon, pumasok na ang Alab sa Top 1 spot ng Myx Daily Top 10 at mula sa 28 ay tumuntong na sa ika-20 puwesto ang SB19 sa Billboard Social 50 chart.