SBP HUMINGI NG PAUMANHIN

SBP president Al Panlilio

PORMAL na humingi ng paumanhin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa gulong naganap sa pagitan ng Gilas Pilipinas at ng Australia sa FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Lunes ng gabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Sa isang statement, humingi ng tawad si SBP president Al Panlilio sa Filipino basketball fans at sa basketball community kaugnay sa naturang gulo.

“As hosts, we regret having breached the bounds of traditional Filipino hospitality,” ayon sa SBP. “As the national team representing flag and country, we likewise extend our apologies to the Filipino people.”

“SBP stands by its conviction that violence has no place in sports.”

Ang lopsided game ay nauwi sa rambulan, may apat na minuto ang nalalabi sa third quarter, nang bigyan ni Roger Pogoy ng hard foul si Chris Goulding ng Australia na nag-udyok naman kay Boomer forward Daniel Kickert na gumanti kay Pogoy.

Mabilis na tumugon ang Gilas players, kung saan sinuntok ni Jayson Castro si Kickert, habang itinulak ni Andray Blatche ang ibang Australian players.

Nakisali na rin si Australia’s Thon Maker, nagpakawala ng flying kicks sa Gilas players, kabilang si Terrence Romeo.  Ilan pang Pinoy ang sumugod sa court, kabilang ang mga hindi in-activate para sa laro tulad nina Allein Maliksi at Jio Jalalon.

Tanging si Baser Amer ng Meralco ang hindi pumasok sa court. Isa siya sa tatlong Gilas players na hindi napatalsik sa laro, kasama sina Gabe Norwood at June Mar Fajardo.

Nagwagi ang Australia sa pamamagitan ng default sa iskor na 89-53, may isang minuto at 57 segundo ang nalalabi sa third quarter.

Matapos ang laro, inanunsiyo ng FIBA  na nagsasagawa na ito ng disciplinary proceedings laban sa dalawang koponan.

Sinabi naman ng SBP na masusi nitong rerebyuhin ang insidente at hihintayin ang desisyon ng FIBA.

Comments are closed.