NAGDEKLARA ng lockdown ang Schools Division Office ng Pasig simula Agosto 26 hanggang sa Biyernes, Agosto 28 dahil sa isang empleyado nito ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019.
Ayon kay Schools Division Superintendent Evalou Agustin ng Department of Education (DepEd-Pasig), isang empleyado ang naspositibo sa COVID-19 at nabatid na pumunta ito sa iba’t-ibang opisina kasama na ang opisina ng Deped Pasig dala ang mga dokumento mula sa City Hall para mapalagdaan.
Paliwanag pa ni Agustin na inakala ng lalaking empleyado na ligtas na siyang lumabas dahil mabuti naman di-umano ang kanyang pakiramdam.
Ipinahamak umano ng naturang empleyado ang kanyang mga kasamahan dahil pumasok ito na mayroon palang COVID-19.
Dagdag pa ni Agustin na agad nilang inireport sa Pasig City Health Office ang nasabing empleyado at pati na rin sa Pasig PNP para bantayan at manmanan ang mga kilos nito.
Hinikayat ng opisyal ang lahat ng unit heads at mga hepe ng iba’t-ibang departamento na maging mapagbantay at ipaunawa sa mga nasasakupan nila ang pinaiiral nilang office protocol at health standards upang hindi maikalat ang COVID-19. ELMA MORALES
Comments are closed.