MATAPOS na batiin sa kanyang silver medal finish sa katatapos na World Boxing Championship na ginawa sa Russia, hinamon ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at Chief of Mission William ‘Butch’ Ramirez si Eumir Felix Marcial na kunin ang ginto sa 30th Southeast Asian Games.
Si Marcial ay nag-courtesy call kay Ramirez at ipinakita niya ang pilak na kanyang napanalunan, kasama sina coach Roel Velasco at Ronald Chavez, at Australian boxing consultant Donaldo Admintt matapos ang regular board meeting na dinaluhan nina Commissioners Dr. Celia Kiram, Arnold Agustin, Ramon Fernandez at Charles Raymond Maxey.
“Gawin at pilitin mong kunin ang ginto at duplikahin ang tagumpay mo sa Russia,” sabi ni Ramirez sa 23-anyos na Zamboangueno, na nangako namang gagawin niya ang lahat para mapanatili ang dominasyon sa kanyang division.
Sa kanyang tagumpay sa World Boxing Championship ay tatanggap si Marcial ng P.5 million incentive mula sa PSC at madaragdagan ito ng P300,000 kung mananalo ulit siya sa SEA Games.
“Isa ang goal ko, manalo uli at panatilihin ko ang perfect record ko sa SEA Games. Ayaw kong biguin ang aking mga kababayan na umaasa sa aking tagumpay,” wika ni Marcial na suot ang Philippine jacket at pulang jogging pants na kanyang ginamit sa Russia. CLYDE MARIANO
Comments are closed.