MAY SANDATA ang Philippine swimming team para pawiin ang pagkauhaw ng bansa sa gold medal sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.
Pangungunahan ng Filipino tankers na kinatawan ang bansa sa katatapos na Fina World Championships, sa pamumuno nina Nicole Oliva, Luke Gebbie, Remedy Rule at James Deiparine, ang 27-man national squad na magtatangkang wakasan ang drought.
Kabilang din sa Philippine team na sasabak sa aquatics competitions sa Fina-approved New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac sina Olympians Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi at homegrown talents Jerald Jacinto, Rafael at Miguel Barreto. Nabigo ang bansa na mag-uwi ng gold medal magmula nang magretiro si multiple gold-winner Miguel Molina matapos ang 2009 SEA Games sa Laos.
Sisikapin din nina dating Palarong Pambansa standouts Xiandi Chua, Maurice Sacho Ilustre, Youth Olympian Roxanne Yu, Rosalee Santa Ana, Chloe Isleta at Thanya Dela Cruz na maibalik ang PH tankers sa ibabaw ng medal podium.
Nakapasok din sa koponan sina Alberto Batungbacal, Jonathan Cook, Jarod Hatch, Jean-Pierre Khouzam at Jaden Olson makaraang madominahan ang kani-kanilang events sa katatapos na Philippine Swimming National Open sa NCC.
Kabilang din sa PH team sina Rian Tirol, Desirae Mangaong, Jazlynn Pak, Joy Rodgers, Miranda Renner at Australian siblings Georgia at Thomas Peregrina.
Base sa kanilang performances sa Fina world championships, sina Rule, Gebbie at Deiparine ay malaki ang potensiyal na mag-wagi ng gold.
Winasak ni Rule, isang all-American mula sa University of Texas sa US NCAA, ang limang Philippine records sa world championships sa Gwanju, South Korea noong nakaraang buwan.
Ang 24-year-old ay nakapasok sa Olympic Selection Time (OST) B-cut sa women’s 200m butterfly.
Binura rin ni Gebbie, na ang ama ay naninirahan sa New Zealand, ang national record sa men’s 100m free sa world championships sa oras na 49.94 seconds upang mahigitan ang OST B standard na 50.3 seconds. CLYDE MARIANO
Comments are closed.