SEAG OVERALL CHAMP ANG PH

Team PH

DAHIL sa determinasyon ng mga atletang Pinoy at pagsisikap ng Duterte administration, Philippine South East Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), sa pangunguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano, at iba pang sports officials,  natupad ang pangarap ng sambayanang Filipino na makuha ang korona sa patapos na 30th South East Asian Games. Pormalidad na lamang ang hinihintay bago opisyal na itanghal bilang overall champion ang koponan ng Filipinas sa biennial meet.

Ito ay dahil kahapon ng umaga, sa Day 9 ng kumpetisyon, nakasungkit na ang mga atletang Pinoy ng kabuuang 113  medalyang ginto. Kapantay na nito ang ‘winningest record’ ng bansa sa kasaysayan ng SEAG, ang 113 gold medals na naitala ng mga atletang Pinoy sa 2005 SEAG na idinaos din sa Filipinas.

Pumapangalawa sa medal tally sa Day 9 ang Indonesia, sumusunod ang  Vietnam at Thailand. Nakakuha na rin ng bronze medal ang Timor Leste sa larangan ng boxing.

Inaasahan pa ang pagsungkit ng mga atletang Pinoy ng ka­ragdagang  medalyang ginto dahil marami pang sports ang susuungin ng mga ito kagaya ng boxing, e-sports at iba pang events.

Nakapagtala rin ng record-breaking moments ang ilan sa mga kasapi ng koponan ng Pinas sa SEAG, kabilang na ang pagbasag ni Kristina Knott sa national record ni Lydia de Vega sa 200m women’s run na kanyang pinagreynahan sa loob ng 33 taon.

Tinapos din ng PH men’s volleyball team ang paghahari ng Thailand sa SEAG volleyball event. Nakopo ng grupo ang gintong medalya na sunod-sunod na napanalunan ng Thailand sa loob ng limang taon.

Sumungkit din ng kambal na medalyang ginto ang ibang atletang Pinoy, kabilang na si gymnast Carlos Yulo na mayroon ding 5 silver medals  sa gymnastics. Nakakuha rin ng tig-2 gold medals sina Margielyn Didal sa skateboarding at  Agatha Wong sa wushu.

Hindi rin nagpahuli ang tinaguriang SEAG hero na si surfer Roger Casugay dahil naiuwi nito ang gintong nedalya sa longboard event. Tinalo niya ang Indonesian champion surfer na iniligtas niya sa una nilang paglalaban sa Monaliza Point sa La Union.

Ang 30th SEA Games ay hindi sana gaganapin sa Pilipinas kung hindi dahil sa pagsisikap nina Cayetano at Senador Bong Go na kumbinsihin si Duterte upang ganapin sa bansa ang palaro.

Tatanggap ng P600,000 na premyo ang bawat Pinoy gold medalist sa biennial meet, bukod pa sa kabuuang P10 milyon na ipina­ngako ng Kamara para sa mga atletang Pinoy na mananalo ng gintong medalya.

Comments are closed.