MAAARI ring pagkunan ang judo ng gold medals sa pagsabak ng Filipinas sa 30th Southeast Asian Games na magbubukas sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Philippine Judo Federation President Dave Carter, kumpiyansa silang magwawagi ng hindi bababa sa 4 gold medals, lalo na ngayon na si Kiyomi Watanabe at ang iba pa sa koponan ay pawang nasa pinakamagandang kondisyon.
Ang 23-anyos na si Watanabe ay isang gold medal potential.
Nagwagi na siya ng gold sa women’s -63kg class sa Naypyitaw, Singapore at Kuala Lumpur editions ng meet at abot-kamay na ang isang puwesto sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Sa katunayan, nasa No. 23 na siya sa world ranking at kailangan na lamang lumahok sa iba’t ibang international competitions upang mapanatili ang kanyang status sa loob ng top 26 hanggang sa cut-off sa Mayo ng susunod na taon.
Bukod kay Watanabe, si Carter ay umaasa rin kina Mariya Takahashi, Heisi Nakano, Shugen Nakano,Shin Matsumura at Riyoko Salinas.
“The national judo team is ready – not just for the SEA Games, but also for the Olympics,” wika ni Carter, at idinagdag na laging ipinagkaka-loob ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng kanilang mga pangangailangan.
“The Philippine Sports Commission has been helping us get quality trainings and exposures because they know that we’re not just preparing for the SEA Games, but for the Olympics as well.”
“We’re thankful to the PSC for providing everything we need,” ani Carter.
Comments are closed.