SECRETARIES INISNAB ANG PAGDINIG SA ANTI-MONEY LAUNDERING

Senador Richard Gordon-2

DISMAYADO si Blue Ribbon Committee Chairman Senador Richard Gordon sa hindi pagsipot ng mga kalihim ng mga ahensiya ng pamahalaan na inimbitahan na dumalo sa pagdinig ukol sa alegasyon ng paglabag sa anti-money laundering matapos na mabuking na nagpapasok ng milyon-milyong dolyar sa paliparan ang mga Chinese national na dumarating sa bansa na kalaunan ay nagiging empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Lumalabas sa nakaraang pagdinig na gamit ng mga Chinese group ang isang Rodriguez group na nagpapasok ng milyon-mil­yong dolyar sa bansa.

Inimbitahan ng Blue Ribbon Committee sina Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez, Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III subalit tanging mga representative lamang nila ang ipinadala ng mga kalihim na labis na ikinadismaya ni Gordon.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Gordon na labis na nakababahala ang pagpasok ng ganoong kalaking pera sa bansa na maaring magamit sa pagtitiktik sa bansa.

Ito ay matapos na mapag-alaman ni Gordon kay Senador Panfilo Lacson na nakatanggap ng report na may dalawa hanggang tatlong libong sundalong Chinese o miyembro ng People’s Liberation Army ng China ang nasa bansa na nagtatrabaho bilang POGO employees.

Muling ipinakita ni Gordon ang mga nagta­tayuang mga building na ginawang POGO kung saan mas nabahala ang senador dahil mayroong firing range sa naturang gusali na ipinakita sa power point presentation sa pagdinig. VICKY CERVALES