LAGUNA – ARESTADO ng Sta. Rosa City-PNP ang 34-anyos na nakatalagang guardiya ng Prestige Bank matapos pagtangkaan nitong holdapin sa Brgy. Tagapo, Lungsod ng Sta. Rosa kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Eugene Orate, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong suspek na si Romeo Dugan Dimaano Jr., may live-in partner, ng Delta Maroon Security Agency, tubong Bacon, Sorsogon, at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Tubigan, Lungsod ng Biñan.
Sa imbestigasyon ni Orate, sinasabing bandang alas-9:00 ng umaga nang maaresto nito at ng kanyang mga tauhan ang suspek matapos ipag-bigay-alam sa kanilang himpilan ang tangka nitong panghoholdap sa pinaglilingkuran nitong bangko gamit ang service firearms nitong kalibre 38 baril.
Lumilitaw na aktong kabubukas pa lamang ng bangko ng sabihan ng suspek ang isa sa kanilang kahera na holdap ito!
Sabay sabi naman nito sa suspek na “huwag mo nga akong biruin”, hindi daw siya nagbibiro habang may nakatutok na baril.
May pamilya ka at may pamilya rin ako ang sabi ng kahera sa guwardiya kung saan sapilitang pinalalagay nito ang pera sa kanyang bag samantalang nasa loob ng vault ang pera.
Dahil dito, dalawa sa kahera at isang kostumer ang agarang nakapagbigay-alam sa himpilan ng pulisya kaugnay nang nagaganap na insidente kasunod ang isinagawa nilang pagresponde sa lugar at agarang pag-aresto sa suspek habang aktong nakasuot pa ito ng kanilang uniporme.
Sinasabing sa kabila ng siya mismo ang itinalagang guwardiya sa naturang bangko, nagawa pa nitong pagtangkaang holdpin kahit aniya ito nag-iisa.
Kasong attempted robbery ang nakatakdang isampang kaso ng pulisya sa piskalya laban sa suspek kung saan kasalukuyang nakapiit sa Sta. Rosa City-PNP lock up cell.
Samantala, batay sa isinagawang interrogation ni Orate sa suspek, kusang loob itong umamin na kailangan lamang aniya ang pera para bumili ng bahay kaya nito nagawa ang tangkang panghoholdap. DICK GARAY
Comments are closed.