(Selective auction ipatupad) ‘BBB’ PROJECTS ITULOY

Imee R. Marcos

MAAARING ituloy at isubasta ang ilang bahagi ng ‘Build Build Builld’ project sa mga pribadong bidder para ang mga pondong inilaan dito na natatapyasan at hindi nakukumpleto sa takdang iskedyul ay hindi masyadong maapektuhan.

Subalit nilinaw ni Senadora Imee Marcos na hindi dapat itigil ng pamahalaan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng bansa sa ilalim ng ‘BBB‘ program para pondohan ang laban kontra COVID-19 pandemic.

“Ang mga may kakayahan at bukas-palad na private bidders ang makatutulong sa gobyerno ngayong panahon ng krisis sa pamamagitan ng pagbi-bid dito ng ilang bahagi ng mga BBB project. Alinsunod naman ang ideyang ito sa konsepto ng public-private partnership,” paliwanag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na puwedeng  samantalahin ng pamahalaan ang pagkakataon para magsagawa ng selective auction habang nakatengga  pa ang karamihan sa mga BBB project.

“Kailangan ng mas maraming bagong solusyon para masuportahan ang nananamlay na pondo ng gobyerno at mapanatili ang nakalutang na ekonomiya habang namamayagpag ang COVID-19,” pahayag ng senadora.

Gayundin, pabor si Marcos sa posisyon ng gobyerno na dapat umusad nang may kaunting kompromiso ang BBB program para masimulan na ang paggalaw ng nakatenggang ekonomiya oras na humupa ang pandemic.

Libo-libong construction workers ang mapananatili ang kanilang trabaho at magkakaroon ng bagong trabaho kapag nagpatuloy ang mga BBB project, dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.