PARA masigurong maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa paggunita ng Undas, nagkaisa ang Metro Manila ma yors na isara ng isang linggo ang mga sementeryo sa Kalakhang Maynila.
Ito ang naging rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa ginanap na press briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na nagkasundo ang mga alkalde sa Metro Manila na pansamantalang isasara ng isang linggo ang lahat ng pambuliko at pribadong sementeryo sa Kalakhang Maynila upang maiwasan ang mga pagtitipon at makaiwas na rin sa nakakahawang virus ang COVID-19.
Magsisimula ang nasabing pagsasara sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4 ng taong kasalukuyan. LIZA SORIANO
METRO MAYORS SUPORTADO NG DOH
SUPORTADO ng Department of Health (DOH) ang desisyon ng Metro Manila mayors na pansamantalang isara ang mga sementeryo sa Undas.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergerie, isang magandang praktis ito laban sa COVID-19 na maaaring irekomenda ng DOH sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para ipatupad sa buong bansa upang maiwasan ang mass gathering.
“Alam naman natin kapag Undas, talagang siksikan sa mga sementeryo, and that is mass gathering already and we would like to prevent that,” pahayag pa ni Vergeire sa isang online forum.
Matatandaang si Manila Mayor Isko Moreno ang unang naglabas ng kautusan na isara ang mga sementeryo, columbary at Memorial parks sa Maynila,simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3 pero papayagan pa rin ang libing at burol hanggang bago mag-Oktubre 31. ANA ROSARIO HERNANDEZ
ONE-TIME USE CEMETERY PASS SA MARIKINA
BIBIGYAN ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ng ‘window of opportunity’ ang mga gustong bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ng mula Oktubre 15 hanggang Nobyembre 30 bago tuluyang isara ang apat na sementeryo sa nasabing lungsod.
Gayunpaman, ani Teodoro, kailangan lang kumuha ng one-time use cemetery pass mula sa cemetery administration kung saan nakalibing ang kanilang yumaong mahal sa buhay at pagkatapos ay pipili sila sa available petsa ng dalaw para ma-regulate sa 30 percent na visitor capacity para sa pagpapatupad ng social distancing.
Iginiit ni Teodoro, pinahihintulutan lamang ang mga mga residente na makadalaw sa sementeryo kung nasa 30 percent ng kabuuang ng mga bumibisita sa apat na sementeryo ng Marikina.
Paliwanag pa ng alkalde, malaking banta pa rin ang COVID-19 at hindi ito mawawala at ang paghahawaan ay puwedeng umanong magkaroon pa ng mas maraming kaso kung magkakaroon ng mass gathering lalo na sa pagdalaw sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay. ELMA MORALES
Comments are closed.