NAHAHARAP sa kasong grave threats sa Pasay City Prosecutor’s Office si Senator Antonio Trillanes IV dahil sa pagbabanta diumano ng senador kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Jacinto “Jing” Paras kamakailan lamang.
Personal na nagtungo si Paras sa Pasay City Prosecutor’s Office dakong alas-9 kahapon ng umaga upang maghain ng kasong grave threats laban kay Trillanes.
Base sa anim na pahinang affidavit ni Paras, binantaan diumano ni Trillanes ang kanyang buhay nang magkita sila sa Senate session hall noong isang linggo.
Ayon kay Paras, sinabihan siya ni Trillanes na “yayariin kita” na sa kanyang pagkakaintindi ay nangangahulugang “papatayin o tatapusin” siya ng Senador.
Ani Paras, nasundan pa umano ang insidente ng pagbabanta sa kanya ni Trillanes noong magkasalubong sila sa may elevator ng Senado.
Tinawag din nitong sinungaling si Trillanes, na nauna nang itinangi ni Paras na minura niya ang senador.
“Bigla na lang n’ya akong nilapitan nu’ng magkatabi kami ni Sec. Duque doon sa VIP gallery unprovoked. Ni-threaten n’ya ako na yayariin niya ako,” kuwento pa ng dating kongresista.
“Napakasinungaling ng taong ‘yan e. The video will speak for itself. There was no moment na I extended my hand to shake hands with him, hindi ako handang makipagkita sa kanya noong araw na iyon. I went there to the Senate session hall dahil ang dati kong CS, I heard she was taking her oath as Senate secretary. I just wanted to greet her tapos nagkasabay kami ni Sec. Duque,” dagdag pa ni Paras.
Bukod pa rito aniya, bigla siyang nilapitan ni Trillanes at umano’y dinuduro-duro siya nito at sabay na sinabing “yayariin kita”.
“Sabi ko sa kanya Mr. Senator, karapatan ko pong mag-file ng kaso, in the same way that you filed a case vs. the President.”
“There was a footage by GMA. In due time, we’ll be able to get a copy of the footage. He’s denying kasi na dinuro n’ya ako at nang-threat uli sa elevator,” pagtatapos ni Paras.
Samantala, sa panig naman ni Trillanes ay mariing itinanggi ng senador ang mga bintang sa kanya ni Paras. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.