PINAGTIBAY ng Senado ang resolusyon na kumikilala sa kontribusyon ng walong national artists sa pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Ang Senate Resolution No. (SRN) 16 (Adopted Resolution No. 22) na itinataguyod ni Sen. Loren Legarda ay pinagtibay sa plenaryo, ito ay pagbibigay konsiderasyon sa mga SRN 22 at 152 na inihain nina Senador Lito Lapid, Chiz Escudero at Sonny Angara.
Kinilala ang walong Pambansang Alagad ng Sining na sina Agnes Locsin para sa sayaw, Salvacion Lim-Higgins para sa disenyo, Gemino Abad para sa panitikan, Fides Cuyugan-Asensio para sa musika, Tony Mabesa para sa teatro at Nora Aunor, Marilou Diaz-Abaya at Ricardo “Ricky” Lee para sa pelikula at broadcast arts.
“Our National Artists with their passion and dedication to their craft have inspired and touched the lives of numerous Filipinos making their mark on our country’s history,” ayon sa resolusyon.
Ang ONA ay itinatag sa ilalim ng Proclamation no. 1001 (s. 1972) upang bigyan ng pagkilala ang ilang mga Pilipino na nakilala at gumawa ng mga natatanging kontribusyon sa Philippine Arts and Letters.
Noong Hunyo 10, 2022, ipinagkaloob ni Pres. Duterte ang ONA sa walong Filipino artist na kumikilala sa kanilang kahusayan sa kani-kanilang larangan sa bisa ng Proclamation No. 1390. LIZA SORIANO