SENADO SISIMULAN ANG 2023 BUDGET BRIEFING SA SETYEMBRE

PLANONG  simulan ng Senate Finance Committee ang mga briefing sa panukalang 2023 national budget sa Setyembre 12.

Ito ayon kay Sen. Sonny Angara
“We have a draft schedule where we will begin budget briefings at the committee level on September 12,” ani Angara.

Sinabi nito na sisimulan nila ang mga deliberasyon sa panukalang 2023 General Appropriations Bill sa pamamagitan ng briefing sa Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng mga economic managers ng administrasyon.

Pagkatapos nito, diringgin ng Senate finance subcommittees ang budget proposals ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

“Headed by the various vice-chairs in their subcommittees, mag-briefing na din sila,” ayon kay Angara.

Nauna rito, isinumite ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa Kapulungan ng mga Kinatawan ang panukalang P5.268 trilyong pambansang badyet para sa 2023.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na tinitingnan ng Kamara na tapusin ang komite at plenaryo ng deliberasyon sa panukalang badyet sa o bago ang Oktubre 1. LIZA SORIANO