NABABAHALA si Senador Francis Tolentino sa kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24.
Partikular na tinukoy ng senador ang kakayahan ng DepED para sanayin ang mga guro sa tinatawag na “distance learning” sa ilalim ng ipinatutupad na new normal.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihayag ni Tolentino na nasa 337,486 public school teachers pa lamang ang nasasanay ng DepEd’s Information, Communications Technology Service (ICTS) on Information and Communication Technology-based instruction.
“The figure is just about 40 percent of the total public school teaching population of more than 800,000. Malapit na po iyong August 24 school opening so paano po ito?” tanong ni Tolentino sa DepEd.
“Kung ready na po iyong 40 percent, papaano po iyong 60 percent?” dagdag pa nito.
Ayon kay DepEd Undersecetary Diosdado San Antonio, maglalaan pa ang ahensiya ng kinakailangang training para sa natitira pang 60% mga guro na hindi pa sumasailalim sa pagsasanay.
“Aside from the training, there are also local initiatives from the division offices, regional offices where the teachers are also being given training activities,” pahayag ni San Antonio na kung saan ay may ilang mga paraalan ang nagsasagawa ng pagsasanay sa mga guro kaugnay sa distance learning.
Anang senador, base sa pag-aaral na ang preparasyon para sa pagpapatupad ng distance learning ay umaabot ng anim hanggang siyam na buwan.
Dahil dito, nababahala si Tolentino kung kakayanin ng DepEd ang pangangailangan sa lumalaking bilang ng mga nag-eenrol sa nilalaman ng modules na ibibigay sa mga estudyante.
Sa pagdinig ay tinalakay ni Tolentino ang inihain nitong Senate Bill No. 1460 na layong i-develop ang national education policy framework para sa online o broadcast learning sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nais ng senador na palawakin ang basic education curriculum sa pamamagitan ng pagdaragdag ng functions ng Bureau of Learning Delivery kabilang ang distance education at online learning.
“The purpose of the bill is to integrate existing effort, which are relatively scattered today. So the functions of existing bureaus, such as the Bureau of Learning Delivery, BS Services and ICTS, will now be more or less integrated into just one bureau, to make it more sustainable,” ani Tolentino. VICKY CERVALES
Comments are closed.