BUBUSISIIN ni ACT-CIS Representstive Erwin Tulfo ang Senior Citizens Act kapag ito ay isinalang na sa review anumang araw ngayon.
Si Cong. Tulfo, na deputy majority leader din ng Kongreso, ay isinama ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa Technical Working Group (TWG) para rebyuhin ang Senior Citizen Law.
Ayon kay Rep. Tulfo, “kaliwa’t-kanang reklamo na kasi na hindi naibibigay ng tama o hindi talaga ibinibigay ang mga benepisyo ng mga senior ng ilang mga business establishments kaya rerebyuhin na ng Kongreso ang naturang batas”.
“Medyo obsolete na ang ilang probisyon dito tulad ng P65 na discount. Ano pa mabibili sa P65 ngayon?”, aniya.
Pinapaalis na rin ng mambabatas ang pagbibitbit ng discount booklets ng mga senior dahil lagi naman daw nila itong nakakalimutan o hindi naman na-iisyuhan ng bagong booklets sila ng local government units (LGU).
Dagdag ng mambabatas, “kapag hindi nila dala ang booklet, e, sorry na lang. Walang discount o balikan nila sa bahay”.
“Congress will make sure this time na maibibigay na ng tama ang mga discounts ng mga seniors at PWDs na rin pag rebyu namin ng batas na ito,” pahabol ni Tulfo.