NAGPOSITIBO sa coronavirus disease (COVID-19) ang isang babaeng umuwi ng Australia matapos bumiyahe sa Filipinas.
Kinumpirma ng Australian Embassy kahapon na nasa 60-anyos na ang nasabing babae na bumalik sa southeastern state ng New South Wales mula Filipinas nitong Marso 3.
Kabilang siya ngayon sa anim na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Sydney.
“Her travel details are being obtained and will be disclosed if she posed a risk to any other passengers on her flight,” ayon pa sa statement na naka-post sa NSW government website.
Sa kabuuan ay mayroon nang 22 kaso ng COVID-19 sa New South Wales. Sa buong Australia naman ay nakapagtala na ng 43 kumpirmadong kaso nito, batay sa datos mula sa World Health Organization (WHO).
Samantala, natuklasan na kahit gumaling na ang mga nagamot sa COVID-19 ay posible pa ring mayroon nito ang mga pasyente.
Isang 36-anyos na lalaki ang nasawi sa respiratory failure sa Wuhan, limang araw makaraan itong lumabas sa isang makeshift hospitals.
Iniulat na na-admit sa ospital ang biktima nitong Pebrero 12 at nailabas matapos ang dalawang linggo at inatasang manatili sa isang quarantine hotel sa 14-araw.
Ayon sa kabiyak ng lalaki, biglang sumama ang pakiramdam ng biktima, na nanunuyo ang mga labi at sumasakit ang tiyan hanggang dalhin ulit sa ospital subalit namatay ito kinahapunan.
Nakalagay sa death certificate na inisyu ng Wuhan health commission na ang direktang dahilan ng kamatayan ng biktima ay ang COVID-19, at ang respiratory blockage at failure ay mga sintomas na naging sanhi ng pagbigay ng katawan nito.
Comments are closed.