(Ni CT SARIGUMBA)
LAHAT ay ginagawa natin upang makamit ang inaasam-asam na tagumpay. Hindi tayo tu-mitigil na matuto. Araw-araw ay nag-aaral ang bawat isa sa atin nang mapalawak pa ang kaalamang mayroon tayo.
Pagiging successful sa buhay, iyan ang inaasam-asam ng bawat empleyado o tao. Pero paano nga ba natin malalamang successful employee ang isang tao? Narito ang ilan sa mga senyales:
MAHAL NILA ANG KANILANG GINAGAWA
Anumang trabaho ang mayroon tayo, importanteng mahal natin ito upang magawa natin nang maayos. Kung mahal din natin ang isang gawain, hindi tayo agad-agad na susuko lalo na kung may dumating na problema o pagsubok.
Maraming empleyado na masita lang ng superior o boss, nagagalit na at tinatamad nang magtrabao. Hindi naman puwedeng ganoon. Hindi tamang agad-agad tayong nagagalit o nagtatampo kapag nasita o napagsabihan.
Pero kung ayaw mo namang masita o mapagsabihan, gumawa ka ng paraan. Magsipag ka. Gawin mo ang mga nararapat mong gawin.
NAGBABAHAGI NG KAALAMAN AT HINDI NATATAKOT MAKIPAG-USAP
Sa mga meeting ng magkakatrabaho, mapapansin nating may dalawang klase ng empleyado—una ang mga tahimik at natatakot na magsalita, at ikalawa, iyong mga nagbabahagi ng kanilang kaalaman.
Mapapansin o malalaman nating successful ang isang empleyado kung mas pinipili nitong magbahagi ng kaalaman kaysa sa ang manahimik.
Maraming empleyado ang nahihiyang magsalita lalo na kung malakihan ang meeting o may mga kasamang may matataas na posisyon o boss.
Pero hindi naman kailangang mag-alangan ang isang empleyadong magsalita kung mayroon siyang nais sabihin na makatutulong sa kompanya. Higit sa lahat, ang mga successful employee rin ay hindi natatakot na makipag-usap sa mga boss o nakatataas.
NANANATILING PROPESYUNAL SA KABILA NG PROBLEMA AT PAGSUBOK
Sa opisina, maraming puwedeng mangyari. Iba’t ibang problema at pagsubok ang puwedeng kaharapin ng bawat empleyado. Minsan, nauubos ang pasensiya natin sa kaliwa’t kanang pagsubok.
Nananatiling propesyunal sa kabila ng mga pagsubok at problema, iyan ang mentalidad ng isang successful na empleyado.
Hindi naman maiiwasan ang problema sa buhay—sa trabaho man o sa bahay. Gayunpaman, sabihin mang maraming problemang dumarating sa bawat isa sa atin, matuto tayong i-handle ito nang maayos.
At kung nais mong malamangan o maangatan ang ibang katrabaho, maging propesyunal ano pa man ang nangyayari sa paligid.
INIIWASAN ANG MA-LATE
Mahirap nga naman ang ma-late sa trabaho, lalo na kung may meeting. Bukod sa hindi mo masusubaybayan ang pinag-uusapan, maaari ka pang makarinig ng hindi maganda sa mga katrabaho mo, o sa mga taong may mas mataas na posisyon sa iyo.
Oo nga’t magandang lagi tayong nauuna o hindi nale-late sa trabaho. Marami kasing kagandahan ang naidudulot sa atin kung nasa opisina tayo ng mas maaga. Una na nga riyan, hindi tayo nagmamadali sa trabaho at mauumpisahan natin ito ng mas maaga. Kung maaga rin nating naumpisahan, mas maaga ring matatapos.
Ikalawa, magagawa pa nating makapagpahinga at makapag-relax bago magsimulang magtrabaho sapagkat maaga tayong dumating.
Panghuli, mas magiging creative rin ang bawat empleyado lalo na kung mas maaga siyang pumapasok at mas maaga rin niyang nauumpisahan ang kanyang mga gawain.
MALAKI ANG TIWALA SA SARILING KAKAYAHAN
Lahat tayo ay mayroong kakompetensiya—sa trabaho at sa posisyong inaasam-asam. Kailangan nating galingan para makamit natin ang tagumpay. Pero marami ring mga tao na walang hangad kundi ang mag-fail tayo o hindi natin mahawakan ang rurok ng tagumpay na pinaghihirapan nating abutin. Gumagawa sila ng paraan. Kung minsan pa nga, ang mga paraang alam nila o ginagawa ay hindi nakabubuti.
Kunsabagay, hindi naman dapat kabahan ang isang empleyado kahit pa sabihing napakarami niyang kakompetensiya sa posisyong nais niyang makuha. Kung may tiwala naman ito sa sariling kakayahan, wala siyang dapat na ipag-alangan.
At masasabi ring matagumpay ang isang empleyado kung malaki ang tiwala niya sa kanyang kakayahan at hindi niya kinokumpara ang sarili sa iba.
Mali o pangit na ideya ang ikumpara ang sarili sa iba. Kung may napuri man na katrabaho, gawin iyong ehemplo upang mapagbuti pa at madagdagan ang kakayahan.
POSITIBONG PAG-UUGALI
Bukod din sa pagiging propesyunal, importante rin ang pagiging positibo sabihin mang may mga bagay na nangyayari nang hindi ninyo inaasahan o hindi maganda.
Hindi naman nawawala ang pagsubok at negatibong pangyayari. Ngunit sa kabila nito, importante ang positibong pag-uugali.
HINDI NAG-AALANGANG MAKIHALUBILO SA KAPWA
Kasama rin sa gawi ng isang matagumpay na empleyado ang pakikipag-usap o pakikihalubilo sa kapwa. Marami sa atin ang mahiyain. Kapag hindi kinausap, hindi rin makikipag-usap.
Gayunpaman, malaki ang maitutulong ng pakikipag-usap o pakikihalubilo sa marami upang maging successful tayong empleyado.
Mas nadaragdagan kasi ang kaalaman natin kapag nakikipag-socialize tayo. Mas marami rin tayong nakikilala na makatutulong sa pagpapalawak ng ating kakayahan.
PATULOY NA NANGANGARAP
Importante ring hindi nawawala sa isang empleyado o tao ang kanaisang magtagumpay sa buhay. May ilan na nasanay na sa “bahala na”. Bahala na kung anong mangyari. Bahala na kung anong ipagkaloob ng tadhana.
Kaysa ang maghintay, gumawa ng paraan o hakbang. Ganyan dapat ang gawin natin kung nais nating maging matagumpay na empleyado. Iwasan natin ang nakasanayang ugali na “bahala na”.
Maraming paraan upang magtagumpay tayo sa buhay. Basta’t magsikap lang tayo at huwag basta-basta aayaw. (photos mula sa hiring.workopolis.com, ragan.com, overheadwatch.com, anz.businesschief.com)
Comments are closed.