SEPTEMBER INFLATION BUMAGAL SA 1.9%

PATULOY sa pagbagal ang inflation sa bansa noong Setyembre sa gitna ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng pagkain at transportasyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press conference, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation ay bumagal pa sa 1.9% noong nakaraang buwan, na malaki ang ibinaba mula 3.3% noong Agosto.

Ito ang pinakamababang print magmula noong May 2020, nang maitala ang inflation sa 1.6%.
Inihatid nito ang year-to-date inflation print sa 3.4%, pasok pa rin sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4% para sa buong taon.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Setyembre 2024 kaysa noong Agosto 2024 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages sa antas na 1.4%,” sabi ni Mapa.

“Ito ay may 69.1% share sa pagbaba ng pangkahalatang inflation sa bansa,” dagdag pa ng PSA chief.

Ang pagbagal sa Food and Non-Alcoholic Beverages inflation ay sanhi ng pagbaba sa halaga ng gulay, tubers, at cooking bananas na may rate na -15.8%.

Nag-ambag din sa pagbagal ng inflation rate noong nakaraang buwan ang pagbaba sa Transport index na may rate na -2.4% at 14.6% share sa overall decline.

Ito ay dahil sa pagbaba sa presyo ng gasolina at diesel na may inflation rates na -13.8% at -19.6, ayon sa pagkakasunod.

Ayon pa sa PSA, ang Housing, Water, Electricity, and Other Fuels index ang ikatlong dahilan ng pagbagal ng inflation noong Setyembre, nagposte ng rate na 3.2% at 9.4% share sa overall slowdown.

Bumagal din ang food inflation sa 1.4% mula 4.2% month-on-month.
Pangunahing dahilan sa pagbagal ng food inflation noong nakaraang buwan ay ang malaking pagbaba sa rice inflation sa 5.7% mula 14.7% noong Agosto.

“The continued slowdown in inflation is expected to boost consumer confidence, driving higher spending and consumption and fueling business expansion. Additionally, easing food prices will relieve low-income households, enabling them to allocate more to other essential needs such as education and health. We will sustain the momentum as we assure the public that we will continue to pursue and carry out strategies to maintain stable prices of food and other commodities,” wika ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.

Samantala, bumagal ang inflation sa National Capital Region (NCR) sa 1.7% mula 2.3% noong Agosto sa likod ng pagbagal ng pagtaas sa presyo ng utilities, transport, at pagkain.

Sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, ang inflation rate ay bumagal sa 2% mula 3.6% noong Agosto sa gitna rin ng pagbagal ng pagtaas sa presyo ng pagkain at transportasyon.