SEPTEMBER INFLATION BUMILIS SA 6.1%

INFLATION-3

MULING tumaas ang inflation rate noong Setyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). 

Sa datos ng PSA, ang inflation noong nakaraang buwan ay naitala sa 6.1%, mas mataas sa 5.3% noong Agosto.

Ang inflation rate noong Setyembre ay pasok sa 5.3% hanggang 6.1% forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa buwan.

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang latest figure ay nagtulak sa average inflation mula Enero hanggang Setyembre sa 6.6%.

Ang main driver ng pagbilis ng inflation ay food and non-alcoholic beverages, partikular ang cereal food items, tulad ng bigas.

Nag-ambag din ang transport sa pagbilis ng inflation kasunod ng serye ng fuel price hikes sa nasabing buwan.

Ang iba pang commodity groups na nagtala ng pagtaas ay ang health; recreation, sport, and culture; at education services.

Ayon kay Mapa, tumaas din ang inflation rate sa Metro Manila sa 6.1% mula 5.9% noong Agosto, sa likod pa rin ng mas mataas na presyo ng langis, pabahay, koryente, at tubig.

Sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, ang inflation ay tumaas din sa 6%.

Ang Central Luzon ang nagtala ng pinakamataas na inflation rate sa 7.9%, habang ang Central Visayas ang may pinakamababa sa 3.8%.

Sa datos, 15 rehiyon ang nagposte ng mas mabilis na inflation noong nakaraang buwan.

Nang tanungin sa kanyang projection ngayong nagsimula na ang ‘Ber’ months kung kailan inaasahang lalakas ang paggasta ng mga consumer, sinabi ni Mapa na may mga banta pa rin sa inflation, lalo na sa food and transportation.

Aniya, ang ₱1 provisional jeepney fare hike ay tiyak na magkakaroon ng epekto sa transport inflation, na magre-reflect sa October data