SERBISYO ANG PAMANA NI PNOY

(Pagpapatuloy…)
Aktibong tinutukan ng pamahalaan ni President Noynoy Aquino ang mga kaso laban sa mga korap na opisyal. Nagbigay ito ng malakas na mensahe laban sa katiwalian. Binigyang pansin ng pangulo ang pagsasaayos ng paggamit ng pondo at multi-billion na pork barrel ng mga senador. Noong 2013, matagumpay na inilantad ng kanyang pamahalaan ang umano’y operator ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.

Masigasig din niyang pinalakas ang mga institusyong pang-demokratiko at mga batas ng bayan.

Kabilang sa mga polisiyang pang-ekonomiya ni Aquino ang pagsasaayos sa pangangasiwa ng yaman ng bansa. Namuhunan din ang kanyang pamahalaan sa mga proyektong imprastraktura, tulad ng Public-Private Partnership (PPP) program, upang lalong mapaunlad ang ekonomiya. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nakamit ng Pilipinas ang kahanga-hangang paglago ng ekonomiya, kung saan ang GDP ay umabot sa 6% taun-taon (average).

Matibay na ipinagtanggol ng pangulo ang kanyang posisyon sa usapin ng teritoryal na alitan sa pagitan ng Pilipinas at bansang Tsina.

Nagawa pa niyang dalhin ito sa korte upang mabigyang linaw ang napahabang usapin ukol sa South China Sea, kung saan ang ilang bahagi nito ay inaangkin ng Pilipinas bilang West Philippine Sea.

Sa gitna ng patuloy na mga hamon sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas ngayon, mahalagang suriin ang mga leksyon mula sa liderato ng yumaong pangulo upang mai-angkop sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Maaaring kumuha ng mahahalagang aral ang ating mga lider mula sa paglilingkod, dedikasyon, at kahusayan na ipinakita ni Pangulong Aquino habang naglilingkod sa kanyang mga kababayan.

Malinaw na ito ang pamana ni Pnoy sa mga Pilipino. Alam nating ang kanyang ama ay nakatingin mula sa langit nang may pagmamalaki dahil sa mga ambag ng kanyang anak sa bansang Pilipinas.