HINDI tulad ng Bagyong Rolly na napaghandaan nang husto ng mga taga- Metro Manila ngunit hindi talaga naramdaman ang purong hagupit nito, ang Bagyong Ulysses ay halos direktang tumama sa Kalakhang Maynila at sa mga karatig-probinsya.
Malaki ang naidulot na sira at baha ni ‘Ulysses’. Naihambing ito sa pinsalang iniwan ng Bagyong Ondoy, halos isang dekada na ang nakalilipas. Si Ondoy ay nagbuhos ng napakaraming ulan ngunit wala masayadong hangin at nagresulta ito sa pag-apaw ng Marikina at Pasig River. Madami rin ang nasalanta dulot ng matinding baha.
Pero iba si Bagyong Ulysses, humagupit ang pagbugso ng hangin na umabot sa mahigit na 200kph. Nagdulot din ng malakas na ulan. Dahil dito, halos 3.8 million na customers ng Meralco ay nawalan ng koryente.
Tumama ang bagyo sa lugar ng Metro Manila noong Huwebes, ika-12 ng Nobyembre ng madaling araw. Tumagal ang hagupit nito mahigit limang oras. Marahil ay hindi lamang ako ang hindi nakatulog na husto noong mga panahon na iyon dahil sa lakas ng hangin na bumabayo sa kapaligiran. Nawalan ng koryente sa amin ng bandang alas-2 ng madaling araw.
Noong sumunod na araw, Biyernes ika-13 ng Nobyembre, papalabas na si Bagyong Ulysses. Nagresulta ito ng unti-unting paghina ng hangin ngunit patuloy pa rin ang malakas na ulan. Ang napansin ko ay ang Meralco ay nakahanda upang maibalik sa pinakamaikling panahon ang suplay ng koryente sa kanilang mga customer.
Ang walang kapaguran na tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga ay napakikinggan natin sa radio at telebisyon kung may koryente, generator tayo sa bahay o baterya ang ating mga kagamitan upang makasagap ng mga balita tungkol sa mga nasira ni Bagyong Ulysses.
Si Joe Z ay regular na nagbibigay ng ulat kung saan na naibalik ang suplay ng koryente. Tumatanggap din ng mga katanungan si Joe Z. sa kanilang customers upang mapaabot ito sa sangay ng Meralco kung ang mga lugar ay walang koryente upang maaksiyunan agad ang mga ito.
Noong Biyernes, bago magtanghali, iniulat ni Joe Z. na malaking kabawasan agad ang mga nawalan ng koryente sa kanilang mga lugar. Mu-la sa 3.8 million customers, 453,349 na lang ang nangangailangan na maibalik ang koryente sa kanilang mga tahanan. Hindi po biro ito. Ang pinag-uusapan natin dito ay ang mga lugar na sinasakop ng prangkisa ng Meralco. Ito ay ang Metro Manila at ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Quezon.
Noong Sabado, iniulat ni Joe Z. na halos tatlong porsiyento na lamang o 213,000 ng kanilang customers ang hindi pa naibabalik ang koryente sa kanilang lugar. Kaya hindi ako magtataka na mangilan-ilan na lamang ang wala pang koryente habang isinusulat ko ito. Marahil ay malubha talaga ang problema sa kanilang mga lugar kaya hindi basta-basta maibalik ang koryente sa kanila na maaaring maging panganib pa sa kanila.
Sa totoo lang, masasabi natin na mabilis umaksiyon ang Meralco sa pagbibigay serbisyo sa kanilang mga customer. Minsan kasi ay hindi natin masyadong binibigyang halaga ang ginagawa ng Meralco para sa atin. Marahil ay nakalimutan na natin ang mahaba nilang pag-unawa sa patong-patong na bayarin natin sa koryente dulot ng pandemya na maaaring bayaran ito ng installment at walang interes. Ganoon din sa pagbibigsy ng extension na walang putulan ng koryente hanggang Disyembre sa mga hindi pa nakapagbabayad ng kanilang bills. Nagbigay rin ang Meralco ng discount o subsidiya sa mga mahihirap nilang customer na kumokonsumo lamang na mas mababa sa 200KwH.
Kaya naman, napapailing na lang ako sa mga militante at mga makikitid ang isip na puro hiling at angal laban sa Meralco. Ito ‘yung mga may ugaling tinatawag nating ‘puro kabig at walang tulak’. Sila ‘yung mahilig batikusin ang Meralco subalit hindi nila nakikita ang mga magagandang gawain at serbisyo na ibinibigay ng Meralco sa kanila.
Tandaan, ang Meralco ay isang propesyonal na organisasyon. Pinatatakbo ito upang maging isang maunlad na negosyo. Dagdag pa rito ay binabantayan sila ng ating gobyerno sa pamamagitan. ng DOE at ERC sakaling nagmamalabis ito sa kanilang mga customer. Kaya naman intindihin natin na ang magandang serbisyong ibinibigay ng Meralco sa atin ay hindi mangyayari kapag wala tayong wastong partisipasyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng kinokonsumo nating koryente. Huwag puro kabig at walang tulak!
Comments are closed.