NAGWAKAS ang masayang araw ng apat na opisyal ng pulisya na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Olongapo City Police Station 2 at isang sibilyan makaraang masakote ng mga operatiba ng PDEA, CIDG-Zambales at PNP Maritime Group sa ikinasang drug bust operation sa loob ng Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City kahapon ng madaling araw.
Isinailalim na sa tactical interrogation at dinisarmahan ang mga suspek na sina Police Lt. Reynato Basa, Jr., Police Cpl. Gino Dela Cruz, P/Cpl. Edesyr Victor Alipio, P/Cpl. Godfrey Duclayan Parentela, at isang sibilyan na si Jericho Dabu na sinasabing drug courier ng international drug syndicate na may mini shabu laboratory sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sa inisyal na ulat ni Adrian Alvarino, regional director ng PDEA, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa kahina hinalang ikinikilos ni Dabu habang ang mga suspek na pulis ay sinasabing nagsisilbing lookout kapag may isinasagawang drug operation sa Olongapo City.
Kaya, isinagawa ang masusing surveillance kung saan nang magpositibo ay ikinasa ang buy-bust operation laban kay Dabu na sinasabing katiwala sa shabu laboratory sa Quarter 366-B sa Finback Street, West Kalayaan Housing Area sa Subic Bay Freeport Zone.
Ayon pa sa PDEA, nakatakbo si Dabu patungo sa shabu lab matapos makatunog sa inilatag na buy bust operation subalit nasakote rin ito gayundin ang apat na pulis na nasa labas ng shabu lab na sinasabing nagsilbing lookout habang nakikipagtransaksyon sa mga operatiba ng PDEA ang nasabing sibilyan.
Narekober ang 300 gramo ng shabu na may street value na P6.8 milyon, laboratory equipment sa paggawa ng shabu, 4 cal. 9mm pistol Glock 17, Honda Civic VTI 1996 na may plakang UKM 779 11, boodle money at mga personal na gamit.
Nabatid pa sa ulat ng PDEA, kasalukuyang tinutugis ang isang Canadian national na nagngangalang Timothy Hartley na sinasabing nasa likod ng shabu lab at isa pang suspek na pinaniniwalaang nagsisilbing tagapagluto ng shabu.
Itinanggi naman ng apat na pulis ang nasabing akusasyon na sangkot sila sa drug trade ni Dabu habang sinibak naman sa puwesto ang hepe ng pulisya ng Olongapo City dahil sa command responsability. MHAR BASCO
Comments are closed.