SHABU, BARIL ITINAPON SA PNP CHECKPOINT

MINDANAO-ISANG paper bag na naglalaman ng shabu at baril na bitbit ng riding in tandem ang itinapon sa Comelec Checkpoint sa lalawigan ng Maguindanao.

Sa ulat ni Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Bongcayao, itinapon ng mga suspek na nakasakay sa motor ang kanilang dalang paper bag sa gilid ng kalsada malapit sa PNP Checkpoint sa Barangay Poblacion Mangudadatu Maguindanao.

Nakita ito ng mga pulis at nang buksan ang paper bag ay naglalaman ito ng isang uzi assault sub machine pistol, isang magazine, dalawang pakete ng shabu at drug paraphernalias.

Ayon kay Mangudadatu Chief of Police Lieutenant Ramillo Serame, ang mga suspek ay papasok sana sa bayan ng Mangudadatu mula sa Tantangan South Cotabato na posibleng ihahatid sana ang dala nilang droga sa bayan ng Mangudadatu ngunit nang makita ang PNP Checkpoint ay itinapon na lamang nila ang paper bag at tumakas.

Dahil dito, mas pinaigting pa ng Mangudadatu PNP ang kanilang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) upang mapigilan ang pagpasok ng anumang krimen sa bayan.