HINILING ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na muling bilhin ng gobyerno ang Petron Corp. matapos ibenta ang 40% ng shares nito sa Ashmore group noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng presyo ng gasolina ng 1.60 kada litro, diesel ng P1.15 kada litro, at kerosene ng P1 kada litro kahapon.
Pinamamadali ni Zarate sa Kamara ang pagpapasa ng tatlong panukala na pinaniniwalaang pangmatagalang solusyon sa problema sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang House Bills 1760 o pag-renationalize ng Petron, 3676 o pag-regulate ng gobyerno sa oil industry at 3678 o gawing sentralisado ang procurement ng petroleum products sa bansa.
Ayon kay Zarate, maaaring mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa kung aaprubahan ang nasabing mga panukala lalo na ang repurchase ng pamahalaan sa Petron.
Sa ganitong paraan, aniya, ay magiging self-sufficient at magkakaroon ng kontrol ang gobyerno sa presyo ng mga produktong petrolyo at maiiwasan na ang mga pagmamalabis sa publiko ng mga oil cartel.
Aniya, mula nang ibenta ang shares sa Petron sa pribadong kompanya ay 95% ng oil at petroleum products sa bansa ay imported at nadidiktahan na ng mga malalaking transnational corporations ang presyuhan ng langis sa merkado. CONDE BATAC
Comments are closed.