INULAN ng batikos ang e-commerce platform na Shopee matapos madamay sa reklamo ng mga delivery rider nito ukol sa umano’y mabagal na pasahod ng logistics provider na Placer8.
Sa isang video na inilabas sa Facebook ni Estrang Vench Alvarez, empleyado ng Placer8, makikita ang protesta ng mga delivery rider ng Shopee sa labas ng opisina ng Placer8 Logistics Express Inc. sa Taguig.
Reklamo ng mga rider, hindi umano nilabas ng Placer8 ang kanilang pasahod noong buwan ng Disyembre 2020 at maging ang kanilang 13th month pay, na mandato ng gobyerno, ay naantala rin.
Nakasaad din sa post ni Alvarez na inatasan ng Placer8 ang mga rider nito na kunin ang kanilang suweldo ng 10PM hanggang 12AM sa Taguig, ngunit pagkarating nila roon ay sinabihan naman sila na sa Pasay na lamang pumunta. “Kagabi nagpasahod 10PM to 12AM sa Taguig tapos biglang nagbago lumipat ng Pasay kaya ‘di na kami tumuloy. Isipin mo 12AM papapuntahin ka pang Pasay. Hays. Tapos sabi bukas meron daw pero ngayon wala. Mismong sahod namin pinaghihirapan pa namin makuha,” ani Alvarez.
Umabot na sa 26k shares ang nasabing video sa Facebook.
Ang Placer8 ay isa lamang sa mga logistics providers ng Shopee na siyang taga-deliver ng mga orders mula sa nasabing e-commerce platform.
Comments are closed.