‘SHOWTIME’ (Bakbakan sa SEAG ‘full blast’ na)

triathletes

MATAPOS ang pormal na pagbubukas ng 30th Philippine Southeast Asian Games kagabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, ilang sports ang magtatangkang ibigay sa bansa ang unang gold medal nito sa aksiyon ngayon sa regional sportsfest sa pag-asang sindihan ang kampanya ng mga Pinoy na mabawi ang overall crown na huli nilang hinawakan sa 2005 PH SEA Games.

Target ng Pinoy triathletes na makumpleto ang isa pang golden double sa pagwalis sa men’s at women’s events ngayong umaga sa Subic Bay Boardwalk sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority.

Sa pagkawala ni back-to-back SEA Games men’s triathlon champion Nikko Huelgas, ang pokus sa men’s event simula sa alas-6 ng umaga ay nasa local duel sa pagitan nina John Chicano, silver medalist sa 2017 Malaysia SEAG, at Cebuano wunderkind Kim Remolino,  na tumapos sa  No. 17 sa ASTC Triathlon Cup na ginanap sa Gyeongyu, South Korea noong nakaraang Hunyo.

Si Olympic hopeful Kim Mangrobang, na nagsanay sa Europe, ang top favorite upang mapanatili ang kanyang women’s title kung saan mahigpit niyang makakalaban ang kababayang si Kim Kilgroe para sa gold sa event na aarangkada sa alas-8 ng umaga.

Sina Mangrobang at Kilgroe ay tumapos sa seventh at ninth, ayon sa pagkakasunod, sa 2018 Asian Games, na may one minute at 47 seconds lamang ang pagitan sa dalawang elite triathletes.

Maaga ring sasabak at umaasang maibibigay ang unang ginto ng Fili­pinas ang mga siklista sa men’s at women’s mountain bike downhill races sa Laurel, Batangas, sa pangunguna nina Eleazar Barba at John Derrick Farr sa first race, habang sina Lea Denise Belgira at Naomi Gardoce ang lalahok sa distaff side.

Tatangkain ng national polo team na gumawa ng kasaysayan sa pagsagupa sa Malaysia para sa gold sa 4-6 high goal event ngayong hapon sa Miguel Romero field sa Calatagan, Batangas.

Inaasahan namang makukuha ni world men’s floor exercise gymnastics champion Carlos Edriel Yulo ang kanyang unang ginto sa biennial meet, kung saan ang Pinoy ang liyamado na maghahari sa all-around event sa men’s artistic gymnastics sa newly-renovated Rizal Memorial Coliseum ngayong gabi.

Inaasahang masisikwat ng Olympic-bound  na si Yulo, na nagsanay sa Tokyo sa nakalipas na tatlong taon sa ilalim ni Japanese coach Munehiro Kugimiya, ang karamihan sa pitong ginto na nakataya sa kanyang division.

Umaasa rin ang Pinoy arnis exponents na makapag-aambag ng ginto sa  SEAG overall championship campaign ng bansa makalipas ang 14 taon kung saan malakas na kontender sila saw along ginto na nakataya sa live stick event.

Gaganapin sa Angeles University Foundation gym sa Angeles, Pampanga, sasabak sa men’s division sina Dexter Bolambao (men’s below-55 kilograms), Nino Talledo (men’s 55-60 kg), Villardo Cunamay (men’s above 60 kg) at Mike Banares (men’s above 65-kg.),  ayon kay head coach Richard Gialogo.

Ang women’s arnis standard-bearers ay sina Jezebel Morcillo (below 60 kg), Jude Rodriguez (50-55 kg.), Eza Rai Yalong (55-60 kg.) at Erl Busacay (above 60).