SIGNATURE CAMPAIGN SA UMENTO NG TEACHERS

TDC

PINAIGTING ng mga guro ang kanilang signature campaign upang matawag ang pansin ni ­Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pagsasabatas ng kanilang  P10,000 dagdag-sahod.

Target ng mga guro at mga kawani ng Department of Education (DepEd) na makalikom ng 500,000 lagda sa buong bansa bago sumapit ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo para sa ihahaing petisyon.

Sa  petisyon ng Teacher’s Dignity Coalition ay hinihimok ng mga guro si Pangulong Duterte na sertipikahang ‘urgent’ ang Senate Bill 704 o ang Basic Education Teachers Pay Increase Act.

Sa ilalim ng panukala, mauumentuhan ng P10,000 ang mga public school teacher at mga empleyado ng DepEd.

Sakaling maipasa ang panukala, ang nasabing halaga ay ibibigay sa mga empleyado ng DepEd at mga guro sa tatlong tranches sa loob ng tatlong taon.

Nakasaad din sa panukala na tatanggap ng P1,000 annual allowance ang mga guro para sa medical checkup,  bukod pa sa annual bonus na nakapaloob sa Magna Carta for Teachers na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipatutupad bagaman naipasa na, 50 taon na ang nakalilipas.

Nitong nakalipas na linggo bago ang pagba­balik-eskuwela ng mahigit 27 milyong estudyante ay nagsama-sama ang mga guro at dumalo sa isang misa upang ipana­langin ang matagumpay na school year.

Sabay-sabay rin silang nagtirik ng kandila upang masagot ang kanilang mga kahilingan, partikular ang dagdag-sahod. VERLIN RUIZ

Comments are closed.