SILVER CLEANER NAINOM NG PASLIT

SILVER CLEANER

MAKATI CITY – PATAY ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos umano nitong mainom ang silver cleaning solution na nakalagay sa plastic na bote ng softdrinks  kahapon ng umaga.

Kinilala ang batang nasawi dahil sa pagkalason na si Rain Mendoza, nakatira sa Block 317, Lot 10, Mockingbird St., Brgy. Rizal ng nabanggit na lungsod. Si Mendoza ay namatay habang ginagamot sa Ospital ng Makati.

Sa report na natanggap ng hepe ng Makati City Police na si Police Colonel Rogelio Simon, base sa pahayag ng ina ng bata na si Jenifer Mendoza, 37, naganap ang insidente dakong 10:45 ng umaga sa loob ng kanilang comfort room.

Ayon kay Jenifer napansin ng kanyang limang taong gulang  na anak na lalaki ang kanyang nakatatandang kapatid na nagko-convulsion  kaya  kaagad silang humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay na si “alyas Tikboy”.

Dagdag pa ng ina ng biktima na napansin  niyang bukas ang plastic na bote ng mountain dew na naglalaman ng silver solution.

Sinabi pa ni Jenifer na napagkamalan ng kanyang anak na softdrinks ang nakalagay sa bote kung kaya’t nilagok nito.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.