SIM REGISTRATION LAW, IRR REREBYUHIN

Photo from Business World Online

KAILANGAN nang muling bisitahin at rebyuhin ang SIM Registration Law at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sinabi ni DICT Undersecretary for Infrastructure Management, Cybersecurity and Upskilling Jeffrey Ian Dy sa ABS-CBN News na may pangangailangan na paghusayin ang implementasyon ng batas.

“Kinakailangan simulan na ‘yung proseso ng pag-audit at repasuhin din ‘yung IRR para makasigurado tayo na talagang the databases that are being use are authenticated,” sabi ni Dy.

Ayon kay Dy,  hindi lamang ang SIM cards ang ginagamit ng mga scammer kundi pati ang internet based services upang magpadala ng text scams.

Ginagaya rin, aniya, ng mga scammer ang  orihinal na pangalan ng iba’t ibang kompanya kapag nagpapadala ng mga mensahe na may clickable links sa kanilang mga nais biktimahin.

Ipinaliwanag ni Data and information security analyst at founder of Data Ethics PH Dominic Ligot na gumagamit din ang mga scammer ng advanced technology upang magpadala ng text scams na hindi nangangailangan ng SIM cards.

Aniya, kailangan din itong mahigpit na bantayan.

“Meron kasing mga devices that can broadcast ng isang message lahat ng cellphone within that area puwedeng tamaan, hindi ‘yan dumadaan sa telco network,” ani Ligot.