SIMBAHAN TINIYAK NA SUSUNOD SA PANUNTUNAN SA GCQ

Broderick Pabillo

TATALIMA ang Archdiocese of Manila sa mga bagong panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) upang maiwasan ang tuluyan pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ang mensahe ni Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ay kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling isasailalim sa mas maluwag na GCQ ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan kung saan pinapayagan na ang pagbubukas ng ilang establisimyento at maging ang mga pagtitipon tulad ng religious gatherings ngunit limitado lamang sa 30% sa kapasidad ng simbahan.

Tiniyak naman ni Pabillo sa church-run Radio Veritas na susundin ng arkidiyosesis ang panuntunan ng GCQ.

Kaakibat rin aniya nito ang mahigpit nilang pagsunod sa mga health protocols upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mga mananampalataya.

“We follow the GCQ guidelines with strict implementations,” ayon pa sa Obispo.

Magugunitang naunang magpatupad ng MECQ guideline ang Arkidiyosesis ng Maynila noong Agosto 4 bilang tugon sa panawagan ng mga medical frontliners na time-out upang mag-recalibrate ng mga hakbang sa pagtugon sa corona virus pandemic.

Nananawagan naman ang simbahan sa mga mamamayan na paigtingin ang pagsunod sa  health protocols na ipinatutupad ng mga eksperto sa kalusugan upang maiwasan ang pagkahawa mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.