SIMPLENG DESIGN NA MAAARING SUBUKAN (Nang sumaya ang isang tahanan)

tahanan

BILANG magulang, bukod sa pag-iisip ng pagkaing ihahain sa ating pamilya at panggastos sa mga pangangailangan, isa pa sa obligasyon natin ay ang matiyak na maayos at komportable ang ating pamilya kapag nasa loob sila ng bahay.

May ilan kasing mga bata na mas nahihilig ang magtungo sa kung saan-saan o sa bahay ng kaibigan kaysa sa ang manatili sa sariling tahanan. Paano nga naman kasi, may mga magulang din naman na nakaiinis at walang ginawa kundi ang magalit o hanapan ng pagkakamali ang anak. Kaya imbes na mag-stay sa bahay, mas naeengganyo ang mga anak na magtungo sa bahay ng kaibigan o ang magliwaliw sa mall.

Importante na naeengganyong umuwi sa tahanan ang buong pamilya, lalong-lalo na ang mga anak. At gugustuhin lang nila iyon kung alam nilang magiging masaya sila sa bahay. Kaya naman, bukod sa pagtrato ng maganda sa ating mga anak o buong pamilya, isa pa sa mainam gawin ay ang pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan.

Kung mayroon mang napakahirap gawin, iyan ang pagdidisenyo at pag-aayos ng ating tahanan. Paano nga naman hindi ito hihirap, marami sa atin ang madaling magsawa sa ayos at design ng kabuuan ng ating tahanan. May ilan ngang kada linggo na lang ay nag-iisip ng panibagong disenyong maa­aring gawin sa kanyang kuwarto o saan mang parte ng bahay.

Kung tutuusin, kapag magulo ang ating tahanan, maaapektuhan din nito ang ating pakiramdam. Umiinit din ang ating ulo. Pero kapag maayos ito, kalmado tayo at nagiging masaya.

Kaya naman para gumaan sa paningin at maging masaya ang isang tahanan, narito ang ilang tips na maaaring subukan sa pag-aayos o pagdi-design:

PAG-ISIPANG MABUTI ANG PAGLALAGYAN NG MGA GAMIT

Marami tayong ga­mit. Marami nga sa atin na walang ginawa kundi ang bumili nang bumili ng mga gamit kahit na hindi naman kailangan. Kumbaga, kapag naka­kita ng magandang gamit sa bahay, binibili. Kapag may nadaanang sale o promo, kahit na hindi mawari kung saan ilalagay, binibili.

Isa sa dapat nating iwasan ay ang pagbili ng mga bagay na hindi naman kailangan. Magiging problema mo kasi ang mga naturang gamit lalo na kung hindi mo naman ito kailangan. Itatambak mo lang sa kung saan-saan at maaari pa itong maging dahilan ng makalat at magulong bahay o lugar.

Mas mainam kung pag-iisipang mabuti ang mga bibilhing gamit. Higit sa lahat, napakahalaga rin kung napag­dedesisyunang mabuti kung saang bahagi ng bahay ilalagay ang mga gamit na mayroon kayo sa inyong tahanan.

Hindi naman kasi puwedeng sa kung saan-saan lang ninyo ito ilalagay. Kailangang nasa swak na lugar ito nang maging maganda hindi lamang sa paningin kundi maging sa pakiramdam.

PLANUHIN KUNG SAAN MAGSISIMULA SA PAG-AAYOS

Hindi nga naman lahat ng gusto nating gawin ay maaari nating gawin kaagad. Kaila­ngang pinag-iisipan at pinagpaplanuhan natin itong mabuti.

Kaya naman kung nais mong pagandahin ang inyong tahanan, pagplanuhan itong mabuti kahit na simpleng pag-aayos at paglilinis lang. Kumbaga, planuhin ang mga gagawin gayundin kung saan sisimulan ang pag-aayos.

MAGLAGAY NG HALAMAN SA BAWAT KUWARTO

Isa nga naman sa simple ngunit may malaking maidudulot upang mapaganda ang isang lugar ay ang paglalagay ng mga halaman at bulaklak. Kaya naman, isa ito sa mainam gawin nang mapaganda at ma­ging maaliwalas ang inyong buong tahanan.

Kaya naman, sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng isang tahanan, isaalang-alang ang paglalagay ng halaman o bulaklak sa bawat kuwarto. Kung ayaw naman ninyo ng fresh na halaman at bulaklak, puwede namang artificial lang.

BUKSAN ANG MGA BINTANA NANG MAKAPASOK ANG LIWANAG

Nagiging maaliwalas din at masaya ang isang tahanan kung mayroon itong sapat na liwanag. Bukod sa bombilya, isa pa sa maaaring pagmulan o panggalingan ay ang liwanag na nagmumula sa labas.

Kaya naman, buksan ang mga bintana nang makapasok ang liwanag na nagmumula sa labas ng tahanan.

Kung mahilig naman sa kurtina, gumamit ng manipis na kurtina nang hindi maharang ang liwanag na mula sa labas o sa sikat ng araw.

Kaya sa umaga, hayaang nakapapasok ang liwanag sa loob ng tahanan.

GAMITING PANDEKORASYON ANG MGA BAGAY NA NAKAPAGPAPASAYA SA BUONG PAMILYA

Pinakamainam din na paraan upang mapaganda ang tahanan at maging masaya ito ay ang paggamit ng mga bagay o pandekorasyon na paborito at makapagpapasaya sa buong pamilya.

Habang nakikita nga naman natin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa atin, nagiging magaan ang ating pakiramdam at nagliliwanag din ang ka-buuan ng ating tahanan.

GUMAMIT NG MASASAYA AT TAWAG-PANSING KULAY

Makatutulong din upang maging masaya ang kabuuan ng tahanan kung gagamit ng kulay na masaya rin sa pani­ngin at tawag-pansin.

Kung wala namang kakayahang magpintura, hindi naman kailangang pilitin. Puwede rin naman kasi ang paglalagay ng wallpaper. O kaya naman, isang simpleng pa­raan upang magkaroon ng kulay na maganda sa paningin ang kabuuan ng lugar ay sa pamamagitan ng pagpapalit ng kurtina at mga sofa cover.

Maraming paraan upang mapaganda natin ang ating mga tahanan nang hindi gumagastos ng malaki. Kagaya na lang ng mga ibinahagi namin sa inyo. CT SARIGUMBA

Comments are closed.