SIMPLENG PALIWANAG SA MERALCO BILL MULA MISMO SA ISANG MERALCO CUSTOMER

Joes_take

NAKITA ko sa isang post sa social media ang pahayag ng isang pastor na nagngangalang Daniel Feliciano ng Conservative Baptist Seminary Asia. Ang partikular na post na ito ay ukol sa Meralco bills ngayong Hunyo. Aniya, nalulungkot siya dahil sa mga bintang na ibinabato sa Meralco. Bilang isang dating empleyado na pamilyar sa bill computation ng kompanya, hinihikayat niya ang kanyang mga kapwa customer na lawakan muna ang pag-intindi sa naging computation bago isipin na may pansamantalang ginagawa ang Meralco sa customers.

“As a former Me­ralco Process Analyst who handled billings and complaints, and now a pastor, I am saddened that ill motives and insinuations are being thrown to Meralco saying things like binabawi ng Meralco sa customers nito ang itinulong sa Covid-19, etc.” ani Feliciano sa umpisa ng kanyang post.

Sa kanyang post ay sinubukan niyang ipaliwanag ang nangyaring pagtaas sa konsumo ng mga customer. Gaya nga rin ng paliwanag ng Meralco, nabanggit niya na dahil sa ECQ ay hindi nakapagbasa ng metro ang Meralco. Ito ay nagresulta sa pag-issue nito ng estimated bills sa mga customer. Bilang dagdag sa paliwanag na ito, ang nagamit na basehan ng estimation para sa mga buwan ng Marso at Abril ay ang mga malalamig na buwan ng December 2019, January 2020, at Pebrero 2020. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang Marso at Abril ay mga buwan na may mataas na temperatura dahil sa mga buwan na ito pumapasok ang panahon ng tag-init kaya karaniwang tumataas din ang konsumo ng mga konsyumer sa nasabing mga buwan. Dumagdag pa ang epekto ng ipinatupad na lockdown ng pamahalaan kung saan napilitan ang karamihan sa atin na manatili sa ­ating mga bahay – marami ang naka-work from home at suspendido ang klase sa mga paaralan. Sa mada­ling salita, kung hindi man lahat ay halos lahat ng mi­yembro ng pamilya ay nasa bahay at sabay-sabay kumokonsumo ng koryente 24/7 noong mga nakaraang buwan. Bunsod nito, ang estimated na konsumo ng customer ay masyadong mababa kumpara sa naging aktwal nitong konsumo.

“Now, when our meter was read this June, the reading reflected our TRUE CONSUMPTION. The present reading reflected minus the month with the previous reading shows our consumption. Please take note that our meter’s reading is cumulative, meaning it is not being reset every month. The June bill rectified the estimated bills. If you think there was a “sudden increase” in the June bill, it simply means that you were UNDERBILLED the previous months,” paliwanag ni Feliciano.

Ngayong nakapaglabas na ng bill ang Meralco na base sa aktuwal na reading, marami ang talagang nagulat sa pagtaas ng kanilang konsumo. Sa post ni Feliciano ay hinihikayat niya ang mga customer na tingnan muna ang reading sa kani-kanilang metro bago magreklamo sa bill. Ito ay dahil base sa meter reading ay maaari nang malaman kung tama o mali ang konsumong sinisingil ng Meralco.

“So may I humbly suggest that before you make any accusation to Meralco, CHECK THE METER READING FIRST. If you do not know how, you can take a picture and show it to me and I will give its reading. If the present reading is correct, it simply means that you consumed the kWh being billed to you,” giit ni Feliciano.

Ang kanyang pag-alok ng tulong sa mga kapwa customer ukol sa pagbabasa ng metro ay maituturing na isang hakbang na bunga ng malasakit sa dati nitong kompanya. Kung tutuusin ay hindi na niya ito kaila­ngang gawin ngunit dahil alam niya ang sistema ng billing ng Meralco, siya mismo ay nakahandang tumulong sa pagpapaliwanag upang masiguro sa mga customer na wala talagang pandarayang ginagawa ang Meralco. Walang ibang basehan ang Meralco sa paniningil kundi ang reading na nakukuha sa metro ng mga customer. Kung base sa meter reading ay may kailangang ayusin sa bill ng customer, makasisiguro ang mga ito na gagawin ng Meralco ang karampatang adjustment.

Para sa ikagagaan ng alalahanin ng aming mga customer, ang mga bill sa koryente na nananatiling hindi bayad ay maaaring bayaran nang hulugan sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Ito ay base sa direktibang ibinaba ng Energy Regulatory Commission. Kung ang konsumo ng customer noong Pebrero 2020 ay 200 kWh pababa, ­maaaring bayaran ang mga Meralco bill sa loob ng anim na buwan. Apat na buwan namang hulugan para sa mga may konsumo na 201 kWh pataas noong Pebrero 2020.

Bukod pa sa nasabing installment, nagbigay ang Meralco ng mas mahabang panahon para sa mga customer nito. Nangako itong walang disconnection of service o pagpuputol ng serbisyo ng koryente hanggang sa katapusan ng Setyembre. Ito ay upang mabigyan ng sapat na panahon ang customer na makabawi sa mga gastusin. Ang panahon din na ito ay gagamitin ng Meralco upang isa-isahin ang mga katanungan ng mga customer nito.

Makaaasa ang mga customer ng Meralco na patuloy na magpapaliwanag ang kompanya ukol sa bill nitong ECQ. Dagdag pa rito ay makaaasa ang mga customer sa patuloy na pagbibigay ng 24/7 na serbisyo ng kor­yente sa kani-kanilang mga bahay.

Gaya nga ng sinabi ni Pastor Feliciano sa kanyang social media post, “may I appeal, save ourselves from ill feelings toward Meralco. They are not doing anything na mapagsamantalahan tayo. What we need to have is a little understanding on how Meralco billing works.”

Sa ngalan ng Meralco ay nais kong magpasalamat kay Pastor Feliciano sa kanyang pagkukusang loob na pagtulong sa pagpapaliwanag ukol sa Me­ralco bill. Marami pong salamat po sa inyong malasakit.

Comments are closed.