SIMPLENG PARAAN UPANG MAPANATILING FRESH NANG MAS MATAGAL ANG GULAY AT PRUTAS

PRUTAS-GULAY

(ni CT SARIGUMBA)

MAY ILAN na araw-araw kung mamalengke o mamili. Pero mayroon din namang maramihan kung bumili ng mga pangangailangan sa araw-araw kagaya na nga lang ng gulay at prutas.

Masarap nga naman ang araw-araw na mamili o magtungo sa palengke nang masigurong fresh ang mga bibilhin gaya ng karne, gulay at prutas. Ngunit may mga nanay na walang gaanong panahon kaya’t maramihan kung bumili.

At sa mga Nanay na bumibili ng maramihang gulay at prutas, narito ang ilang simpleng pa­raan upang mapanatili o mas matagal na maging fresh ang mga pinamili:

MADADAHONG GULAY

Isa ang gulay sa paborito ng marami sa atin. Importante nga naman ang gulay nang mapa­natili nating malusog at malakas ang pangangatawan. Napakasustansiya rin ng gulay.

Kung bibili ng gulay lalo na iyong madadahon at kulay berde, dapat ay makonsumo o makain kaagad ito sa loob ng 1 hanggang 2 araw matapos na mabili.

Subalit may ilan sa atin na mas pinatatagal ng dalawang araw ang gulay sa refrigerator. Maramihan kung bumili dahil nga gahol o walang gaanong oras na mamalengke. At para mas humaba o tumagal ang pagiging fresh ng mga mabeberde at madadahong gulay, isa sa mainam gawin ay ang pagbalot ng mga ito sa paper towel at ilagay sa plastic bags saka naman itago sa fridge.

Sa paraang ito ay maa-absorb ng paper towel ang excess moisture sa dahon at hindi kaagad ito masisira o mabubulok.

HINOG NA SAGING

May ilan sa atin na kapag hindi naman madaling mabulok ay iniiwan lang sa labas o lamesa ang prutas, gaya na lang ng saging. Sinasabi rin ng marami na kapag nakalagay umano sa refrigerator ang sa­ging ay mas madali itong mabulok.

Sabihin na nating madaling mag-brown ang balat ng saging, ngunit hindi ibig sabihin ay apektado na rin ang loob nito. Pinipigilan ng malamig na temperature ang pagkahinog ng sa­ging o ang pagkasira nito. Puwede rin namang ilagay muna sa plastic bag o zip lock ang saging bago itago sa ref kung ayaw mong mangitim o maging brown ang balat nito.

KAMATIS

Kapag namimili nga naman tayo o namamalengke at may nabiling kamatis, pagkauwing-pagkauwi ay hinuhugasan natin ito at inilalagay kaagad sa refrigerator.

Ngunit sa ganitong paraan ay mas madaling mawawala ang pagiging fresh ng kamatis. Kaya’t ang mas mainam gawin ay hayaan lamang ito sa lamesa. Kapag inilagay kasi natin sa malamig na lugar ang kamatis ay nawawala ang texture, gayundin ang flavor nito. Kaya mas mainam kung nasa room temperature lang ang kamatis nang hindi kaagad masira. ­Ilayo lang din ito sa maiinit na surface.

HERBS

Hindi rin naman nawawala sa ating mga kusina ang iba’t ibang klase ng herbs. Habang fresh ang herbs ay lalo itong nagbibigay ng masarap na lasa sa ating niluluto.  Pero madaling masira ang herbs kung hindi ito nagagamit kaagad.

Kung napapansin ninyong medyo natutuyo na ang herbs, para maibalik ang pagiging fresh nito ay ilagay lang sa bowl na may ice water. I-shake lang ito at manunumbalik ang maayos o fresh nitong hitsura.

Sayang nga naman ang gulay at prutas kung masisira lang ito at hindi mapakikinabangan. Mahal pa naman ang bilihin ngayon kaya’t kailangan nating magtipid at ma­ging madiskarte.

Gayunpaman, maraming simpleng paraan upang manumbalik ang pagiging fresh ng binibili nating prutas at gulay. Ilan nga riyan ay ang mga ibinahagi namin sa inyo. (photos mula sa independentco.uk, news18.com at homeguides.sfgate.com)

Comments are closed.