NASA 80,0000 pasahero ang inaasahang madaragdag sa parokyano ng Light Rail Transit Line-1 Cavite Extension Project Phase 1 sa Paranaque City na magsisimula ang partial operation ngayong Sabado, Nobyembre 16.
Ang nasabing mass transportation ang kauna-unahang railway project na nakumpleto sa ilalim ng Marcos administration dahil sa Public-Private Partnership.
Limang mga bagong istasyon ang magdurugtong sa Baclaran Station sa Pasay City sa Dr. Santos Station sa Parañaque City.
Ang mga ito ay ang Redemptorist – Aseana Station, Manila International Airport Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station na dating Sucat.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng LRT-1 Cavite Extension Project Phase 1 na aniya’y magpapabilis at magpapagaan sa biyahe ng mga pasahero.
“Mag-start na ng operation bukas ng alas singko ng umaga,” pahayag ni Marcos sa isang ambush interview sa inauguration ceremony nitong Biyernes.
“Kaya hinihikayat ko lahat ng ating commuter na subukan ninyo at makikita ninyo napakaginhawa kumpara sa trapik na nararanasan natin araw-araw,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, inaasahang makababawas din nang malaki sa traffic ang pagbubukas ng LRT 1 Cavite Extension, gayundin ay mababawasan ang travel time ng publiko ng halos kalahating oras.
Nasa 6,000 na sasakyan ang kayang ibawas na bumabagtas sa lansangan.
Kasama ni Pangulong Marcos sa inagural train ride, sina DOTr Secretary Jaime Bautista, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo, negosyanteng si Manny Pangilinan at ilan pang mga opisyal ng gobyerno.
Sa ilalim ng LRT1 Cavite Extension project, target ng DOTr na magbukas ng kabuuang walong bagong istasyon.
EVELYN QUIROZ