(Simula na sa Nobyembre) MINIMUM WAGE HIKE SA ILOCOS, WESTERN VISAYAS

MAY dagdag-sahod ang minimum wage earners sa Ilocos at Western Visayas regions.

Sa kautusan na inilabas ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang daily minimum wage sa Region 1 para sa non-agriculture establishments na may 10 o higit pang empleyado ay tataas ng ₱35 sa ₱435. Tataas din ang wage rate para sa non-agricultural at agricultural establishments na wala pang 10 ang empleyado ng ₱30 sa ₱402.

Epektibo sa Nobyembre 6, ang monthly minimum wage ng domestic workers sa Ilocos Region ay tataas din ng ₱500 sa ₱5,500.

Samantala, ang wage rates sa Region VI ay tataas ng ₱30. Nangangahulugan ito na ang daily minimum pay para sa mga manggagawa sa non-agriculture o commercial establishments na may mahigit 10 empleyado ay magiging ₱480; sa non-agriculture businesses na may 10 and below workers, ₱450; at sa agriculture, ₱440.

Inaprubahan din ng regional board ang ₱500 increase sa monthly minimum pay rate ng domestic workers sa Western Visayas para sa monthly wage na ₱5,000.
Ang umento sa daily minimum wage sa rehiyon ay ipatutupad simula sa Nob. 16.
Sa isang statement, sinabi ng NWPC na nasa 287,683 minimum wage earners sa mga rehiyon ang makikinabang sa pay hike. Kabuuang 259,820 domestic workers naman sa rehiyon ang saklaw ng umento sa sahod.