(Simula ngayong Martes) P4.30/L TAAS-PRESYO SA DIESEL; P2.15/L SA GASOLINA

ISA na namang big-time oil price hike ang naghihintay sa mga motorista ngayong linggo.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil, Cleanfuel, PTT Philippines, Petro Gazz, at Caltex na tataas ang presyo ng gasolina ng P2.15 kada litro habang may dagdag naman na P4.30 sa presyo ng kada litro ng diesel simula ngayong Martes, Hunyo 14.

Ipatutupad ng Seaoil ang price hike sa alas-6 ng umaga habang ang Cleanfuel, PTT, at Petro Gazz ay sa alas-8:01 ng umaga. Epektibo naman ang taas-presyo ng Caltex sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Inanunsiyo rin ng Seaoil at Caltex ang P4.85 dagdag-presyo sa kerosene.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang Martes, Hunyo 7, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.70 kada litro, diesel ng P6.55, at kerosene ng P5.45 kada litro.

Sa datos ng Department of Energy, ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P26.55, diesel ng P36.85, at kerosene ng P33.10 kada litro.