(Simula ngayong Martes) P7-13/LITRO NA TAAS-PRESYO SA PETROLYO

PETROLYO-18

MULING magkakaroon ng malaking pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Marso 15.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Flying V, Petron Corp., at Seaoil Philippines Inc. na nasa P13.15 ang kanilang taas-presyo sa kada litro ng diesel, na mas mataas sa naunang pagtaya na hanggang P12 kada litro. Nasa P7.10 kada litro naman ang price hike sa gasolina habang P10.50  sa kada litro ng kerosene.

Ipatutupad ng Cleanfuel, PTT Philippines Corp., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ang kaparehong taas-presyo maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Ito na ang ika-11 sunod na linggo na may dagdag-presyo sa  mga produktong petrolyo.

Noong Martes, Marso 8, ang presyo ng kada litto ng gasolina ay tumaas ng P3.60, diesel ng P5.85, at kerosene ng P4.10.

Inaasahang tataas pa ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo sa gitna ng Russia-Ukraine crisis.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P17.50, gasolina ng P13.25, at kerosene ng  P11.40.