(Simula ngayong Martes) PETROLYO MAY BAWAS-PRESYO

KASADO na ngayong Martes ang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.70, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.85.

Magpapatupad ang Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex at Cleanfuel na magtatapyas ng presyo simula alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hunyo 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.20, diesel ng P1.05, at kerosene ng P1.20.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Hunyo 27, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P6.55 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P3.00 kada litro at kerosene ng P5.15 kada litro.