MAY panibagong pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Ito na ang ikalawang sunod na linggong may tapyas sa gasolina at ikatlong sunod sa diesel at kerosene.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P0.85, diesel ng P1.30, at kerosene ng P1.90.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa Shell at alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw para sa Cleanfuel.
Noong nakaraang Martes, Marso 21, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.20, diesel ng P1.85, at kerosene ng P2.00.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P5.50 kada litro, habang ang presyo ng diesel at kerosene ay bumaba ng P2.85 at P3.65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.