(Simula sa Abril)SMUGGLED SUGAR IBEBENTA NA SA KADIWA STORES

TARGET ng Department of Agriculture (DA) na simulan ang pagbebenta sa mga nakumpiskang smuggled sugar sa Kadiwa centers sa susunod na buwan.

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni DA spokesperson Kristine Evangelista na isinasapinal na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng inisyatiba nang sa gayon ay maibenta na ang produkto sa Kadiwa stores, Kadiwa on Wheels, at maging sa Kadiwa-accredited retailers sa mga palengke.

“Siguro, if we are looking at April na rollout, I think this is very realistic. By then, ‘yung allocations ng mga Kadiwa stores natin pagdating ng ilang sacks ng sugar ang ibabagsak sa kanila para makabenta sila ng per kilo, ‘yan ang ating inaayos. Tinitingnan din natin how long the supplies will last also,” sabi ni Evangelista.

Nauna nang sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na inaprubahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pagbebenta sa 4,000 metric tons ng smuggled refined sugar sa Kadiwa centers sa halagang katumbas ng aktuwal na mill gate price, na P70 kada kilo.

Gayunman, ang isang pamilya ay maaaring makabili lamang ng maximum na dalawang kilo, depende sa magiging final IRR.

Ayon kay Evangelista, kinokonsidera rin ng ahensiya ang pagbebenta ng iba pang smuggled commodities tulad ng bigas at gulay sa Kadiwa stores.